Taguig 2nd District Rep. Pammy Zamora Taguig 2nd District Rep. Pammy Zamora

Affidavit ni VP Sara kulang, pagtestigo ng personal dapat

289 Views

NANINIWALA ang mga lider ng Kamara de Representantes na hindi sasapat ang pagsusumite ng affidavit ni Vice President Sara Duterte upang lubusang maipaliwanag ang kuwestyunableng paggamit nito ng P612.5 milyong confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong 2022 at 2023.

Kaya nanawagan sina House Blue Ribbon Committee Chair Joel Chua ng 3rd District ng Manila at Assistant Majority Leader Amparo Maria “Pammy” Zamora ng 2nd District ng Taguig City sa Bise Presidente na dumalo sa pagdinig sa Miyerkules upang makapagpaliwanag.

“Well, ang sabi niya magsa-submit na lang daw po siya ng sworn statement o affidavit, pero kami po ay hopeful na makarating siya dahil tingin namin ‘yung sworn affidavit is not enough,” sabi ni Chua sa isang press conference.

“So paano po namin maitatanong sa kanya ‘yung mga… marami po kasing katanungan noong mga kasama po natin sa komite na gusto rin po namin malinawan,” dagdag pa ng solon.

Sinabi ni Zamora na bagama’t tinatanggap ng komite ang sworn affidavit, hindi nito mapapalitan ang pagtestigo ng personal upang agarang matugunan ang mga tanong.

“In fact, tinatanggap talaga ng committee, Cong. Joel, ‘yung sworn affidavit. In fact, maganda ‘yun,” saad ni Zamora. “However, you know, if she was able to come here last week, she should be able to go here tomorrow (Wednesday).”

Ipinunto ni Zamora na nakapunta si Duterte noong nakaraang linggo sa pagdinig ng ibang komite kung saan dumalo ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nanumpa na magsasabi ng totoo sa imbestigasyon ng madugong war on drugs ng kanyang administrasyon.

“Nagpunta siya, nagulat ako noong dumating ang VP. Sabi ko, ‘Oh, I think she is in the wrong hearing,’ and then it turns out she was there para bantayan ‘yung kanyang father kasi nga daw hindi sumusunod sa mga kasama. That was very kind of her,” ani Zamora.

“Even though she said na hindi siya darating, we hope she’ll arrive tomorrow so that she can answer pertinent questions,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Zamora na ang hindi pagdalo ni Duterte ay isang masasayang na pagkakataon upang makapagpaliwanag ito.

“Kasi if she doesn’t arrive and kahit may sworn affidavit siya, she loses her chance na mas mabigyang linaw ‘yung mga issue na ito. Kung kaya naman niyang ipagtanggol ang sarili niya, she should come,” wika pa ni Zamora.