DFA

Afghans papayagang i-process visa sa PH

Edd Reyes Aug 20, 2024
87 Views

NAGKASUNDO ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Estados Unidos na iproseso ang special immigrant visa ng mga aplikante mula sa Afghanistan.

Sa ilalim ng kasunduan, bibigyang pahintulot ng Pilipinas ang limitadong bilang ng mga Afghan nationals na bumiyahe sa Pilipinas upang dito kumpletuhin ang pagpo-proseso ng Special Immigrant Visas (SIVs) para sa tuluyan nilang paninirahan sa Estados Unidos.

Mananatili lamang ang mga aplikante sa bansa ng hindi hihigit sa 59 na araw at sa isang itatalagang pasilidad sila mananatili.

Hindi papayagang lumabas ang mga Afghans maliban na lang kapag kinakailangan nilang magtungo sa embahada ng Estados Unidos sa Maynila para sa consular interview.

Nakasaad din sa kasunduan na ang pamahalaan ng Estados Unidos ang magkakaloob ng kinakailangang serbisyo ng mga Afghans habang pansamantala silang nasa Pilipinas.

Kabilang na rito ang kanilang pagkain, matutuluyan, seguridad, medikal at transportasyon habang kinukumpleto ang pagpoproseso ng kanilang visa.

Nilinaw naman ng DFA na ang nabuong kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos sumasailalim pa sa final domestic procedure at kailangang ding pagtibayin ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. bago maipatupad.