AFP

AFP FB page binaha ng comments galing sa trolls, isinara

Zaida Delos Reyes Nov 28, 2024
12 Views

PANSAMANTALANG isinara ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang comment section ng kanilang FB page dahil sa sangkaterbang komentaryo mula sa mga tinatawag na trolls.

Ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) Chief Colonel Xerxes Trinidad, napuno ng kahina-hinalang komentaryo ang kanilang FB page kaya’t isinara o dinis-able ang ilang features nito

Paliwanag ng opisyal, alam nila na maraming troll armies ang nagkalat ngayon para makaimpluwensiya ng utak ng publiko kaya’t pansamantalang isinara ang kanilang comment section para hindi na magamit pa.

“Troll farms are a menace to society and we choose not to empower inauthentic actors in their coordinated attempt to spread disinformation and misinformation,” pahayag ni Trinidad.

Bago isara ang comment section ng FB page ng AFP, dagsa na ang komento na “Protect the People” at “Protect the Constitution” iilang araw bago magpahayag si dating Pangulong Rodrigo Duterte na tanging AFP lang ang maaaring umayos sa aniya’y “fractured government.”

Iginiit ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na “apolitical” ang organisasyon at hindi sasawsaw sa anumang usaping pulitika.

Humingi ng paumanhin ang AFP sa publiko, lalo na sa netizen, kung hindi makakapag-comment ngayon sa kanilang mga anunsyo.

Ang FB page ng AFP nagsisilbing midyum ng military para sa kanilang aktibidad at mga pahayag kaugnay ng nais nilang ipaalam sa publiko.