Calendar
AFP tiniyak katapatan sa Konstitusyon, iniluklok na Marcos gov’t
MULING pinagtibay ng mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang katapatan sa Konstitusyon at sa iniluklok na pamahalaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa kanilang pakikipagpulong kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Kamara de Representantes noong hapon ng Martes.
“We commit to the Constitution and the duly-constituted authorities. We will watch your back,” ayon kay AFP Deputy Chief of Staff Lt. Gen. Jimmy D. Larida, pagtitiyak nito kay Speaker Romualdez sa dedikasyon ng militar at sa kanilang mandato ayon sa Konstitusyon.
Binigyang-diin naman ni Lt. Gen. Ferdinand Barandon, commander ng Armed Forces Intelligence Command, ang propesyonalismo ng militar at ang suporta nito sa mga institusyon ng gobyerno.
“The Armed Forces will remain professional, mission-focused, and always supportive of duly-constituted government,” ayon kay Barandon.
Ang pulong, kung saan kabilang sa mga dumalo ang 17 bagong talagang heneral at senior flag officer, ay nakatuon sa pagsuporta ng pamahalaan sa militar sa pamamagitan ng paglalaan ng karagdagang pondo at welfare programs.
Ipinahayag ni Speaker Romualdez ang kanyang buong suporta sa modernisasyon ng AFP at muling inilahad ang kanyang panukala na magbigay ng P350 na subsistence daily allowance para sa mga sundalo. Ang inisyatibo ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Marcos na layuning mapabuti ang kalagayan ng mga uniformed personnel.
“Sa bersyon ng 2025 national budget ng Kongreso, naglaan tayo ng pondo para sa P350 daily subsistence allowance na ating isinulong alinsunod sa kautusan ni Pangulong Marcos upang matulungan ang ating mga sundalo,” ani Speaker Romualdez.
“Kung susuportahan po ng Senado ang ating panukala at madagdagan pa ang pondo, mas maganda para sa kapakanan ng ating mga sundalo,” giit pa ni Speaker Romualdez.
“Our soldiers are the backbone of our nation’s security and defense. We must ensure they have the resources they need to serve with honor and dedication,” ayon pa sa pinuno ng Kamara.
Panawagan din ng pinuno ng higit sa 300-kinatawan ng Mababang Kapulungan ang agarang pagpapatupad ng mga programa upang itaas ang moral ng mga sundalo, lalo na ang mga nakatalaga sa malalayo at mapanganib na lugar.
Nagpasalamat naman ang AFP delegation kay Speaker Romualdez sa kanyang patuloy na suporta, na anila’y mahalaga sa pagpapalakas ng moral ng mga sundalo, at muling binigyang-diin ang kanilang katapatan sa Konstitusyon at sa pamahalaan.
Dumalo rin sa pulong ang iba pang pinuno ng Kamara, kabilang na sina Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe ng Zamboanga City, Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez at Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos.
Nangako silang susuportahan ang mga panukalang batas na magpapalakas sa kahandaan ng military operations at mga welfare program.
Sa pagtatapos ng pulong, binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan upang matugunan ang mga pangangailangan ng AFP at epektibong maisakatuparan ang kanilang mandato na pangalagaan ang bansa.
“The House of Representatives will continue to work closely with the AFP leadership to address pressing concerns, including adequate funding for operations, modernization efforts, and the welfare of our men and women in uniform,” ayon pa sa pahayag ni Speaker Romualdez.