Congw.Marissa

Agad na aksyon ng gobyerno vs illegal recruitment papuntang Italy panawagan ni Magsino

Mar Rodriguez Oct 8, 2023
172 Views

Congw.MarissaNANANWAGAN si OFW Party List. Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. at sa Department of Migrant Workers (DMW) para magkaroon ng agarang aksiyon patungkol sa nangyayaring illegal recruitment ng mga Pilipino papuntang Italy.

Kasabay nito, hinihiling din ni Magsino sa DMW na makipag-collaboration o makipag-coordinate sa Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Consulate General sa Milan kabilang na dito ang Italian authorities para agad na masampahan ng kaso ang mga taong nasa likod ng illegal recruitment.

Ayon kay Magsino, kinakailangan umanong kumilos sa lalong madaling panahon ang pamahalaan para matulungan ang mga Pilipinong naging biktima ng illegal recruitment na pinakuan ng trabaho sa Italy. Subalit sa kalaunan ay natuklasang wala pala silang maaasahang trabaho sa nasabing bansa.

Binigyang diin pa ng OFW Party List lady solon na kinakailangang masampahan ng kaukulang kaso ang mga taong nasa likod ng illegal recruitment sa Italy sa pamamagitan ng masusing pagtutulungan at koordinasyon sa pagitan ng DMW, DFA at Philippine Consulate sa Milan.

Ikinadismaya din ni Magsino na sa kabila ng maigting na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal recruitment at patuloy pa rin aniyang namamayagpag ang mga illegal recruiter at kakutsaba nitong sindikato para mambiktima ng mga Pilipinong nagnanais magtrabaho sa ibayong dagat.

Nauna rito, inihain ni Magsino ang House Bill No. 9351 para mapalawak pa ang kapangyarihan at jurisdiction ng NBI. Kung saan, mapapasama sa kanilang tungkulin ang pagsawata sa mga kaso ng illegal recruitment na siyang pangunahing problema ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ipinaliwanag ni Magsino na nakapaloob sa kaniyang panukalang batas ang pag-amiyenda sa Republic Act. No. 10867 na mas kilala bilang National Bureau of Investigation Reorganization Act para mapabilang sa kanilang tungkulin ang pagpuksa sa mga illegal recruiters.