Magsino

Agarang katarungan sa pagkamatay ng OFW sa Kuwait hiniling

Mar Rodriguez Jan 26, 2023
331 Views

NANANAWAGAN ngayon ang Overseas Filipino Workers Party List Group kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para mabigyan ng agarang katarungan ang karumaldumal at brutal na pagpatay sa OFW na si Jullebee Ranara sa disyerto ng Kuwait.

Binigyang diin ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na hindi lamang aniya basta pinatay si Ranara. Bagkos, walang pakundangan na sinunog pa ang bangkay nito.

Sinabi ni Magsino na batay sa inisyal na pagsisiyasat na isinagawa ng Kuwait Police. Napag-alaman na ang pangunahing suspect ay ang menor-de-edad na anak ng amo ni Ranara. Kung saan, napag-alaman din na ginahasa at binuntis ng nasabing menor-edad si Ranara.

Binigyang diin ni Magsino na una ng nagpatupad ng “ban” ang Pilipinas sa pagpapadala ng mga OFW’s sa bansang Kuwait sa pag-aakalang maitatama ang kalagayan ng mga Pilipinong manggagawa. Subalit matapos aniyang i-lift ang “ban” ay muli na naman nasadlak sa peligro ang mga OFWs.

Dahil dito, iginiit ni Magsino sa pamahalaan na kailangan itong maging matapang sa pagkamit ng hustisya para kay Ranara at pagpapalawak sa diskusyon kaugnay sa kalagayan ng mga OFWs sa Kuwait na paulit-ulit na lamang na nangyayari.

“Si Ranara ay hindi lamang dumagdag sa estatistika ng mga inabusong OFWs kundi isa rin sa mga manggagawa natin sa abroad na walang awang pinatay. Bilang kinatawan ng OFWs sa Kongreso, hindi natin palalagpasin ito at tututukan natin ang imbestigasyon hanggang sa mabigyan ng hustisya ang sinapit ni Ranara,” ayon kay Magsino.