Calendar
Agarang pagpasa ng Child Support Law isinusulong ni Tulfo
NAIS ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo na agaran nang maipasa ang panukalang batas hinggil sa pagsustento ng mga hiwalay na mga magulang sa mga menor de edad na anak, na inihain niya at mga kasamahan na sina Reps. Edvic Yap, Jocelyn Tulfo, Eric Yap, at Ralph Tulfo.
Alinsunod sa House Bill No. 08987 o ang “Act punishing the wilful failure to pay paternal child support,’ ay paparusahan ang magulang na hindi magsusustento sa anak o mga anak bagamat may kakayahan naman itong magbigay ng buwanang sustento sa bata.
Ayon kay Cong. Tulfo, “dumarami ang mga naghihiwalay na mga magulang taun-taon at ang mga bata ang kawawa.”
“Bukod sa psychological impact dahil magiging broken family na sila, nawawala din ang pinansiyal na suporta para sa mga gastusin sa bahay at pag-aaral ng mga bata,” ayon pa kay Tulfo na siya ring deputy majority leader sa mababang kapulungan.
Aniya, “ang batas na ito ay sisiguro na kahit iwan ni mister si misis, may aasahan pa rin na tulong pinansiyal sa ama ang mga menor de edad na mga anak.”
“Hindi ibig sabihin na kapag naghiwalay kayo ni misis ay tapos na ang obligasyon mo sa pamilya… aba’y tuloy ang pagtulong mo sa pagpapakain, pagpapaaral, at pagbibigay mo ng matitirhan sa mga bata na menor de edad,” ayon kay Tulfo.
Dagdag pa ng mambabatas, “nasa Konstitusyon din ito na kailangang pag-aralin, damitan, bigyan ng masisilungan at makakain ng mga magulang ang kanilang mga anak.”
Ayon pa sa nasabing panukalang batas, may kaakibat na kulong na hanggang anim na taon sa sinumang magulang na sadyang hindi magsusustento sa kanilang mga anak.