CAAP

Lahat ng pasahero dumadaan sa security protocols sa airports–CAAP

Jun I Legaspi Sep 8, 2024
30 Views

TINIYAK ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na maigting ang pagpapatupad nila ng security protocols para sa mga pasaherong sumasakay sa mga pribadong eroplano sa ilalim ng Memorandum Circular 005-2023.

Iginiit ng CAAP Security and Intelligence Service na ang mga opisyal ng gobyerno, kabilang ang mga VIP, sumasailalim sa parehong mga pamamaraan tulad ng lahat ng iba pang mga pasahero sa mga paliparan sa buong bansa.

Katunayan, isinalang din sa proseso si Pampanga Governor Dennis Pineda at ang kanyang partido sa departure check-in area sa Zamboanga International Airport bago sumakay ng pribadong eroplano alinsunod sa terminal procedures.

Kahalintulad ding proseso ang isinagawa sa Senate Spouses sa Tuguegarao Airport noong Agosto 29.

Mula nang ipatupad ang 2023 Memorandum Circular, inatasan ni CAAP Director General Captain Manuel Antonio Tamayo ang lahat ng airport managers na magsumite ng buwanang monitoring reports sa mga pagdating at pag-alis ng mga pasahero sa kanilang mga itinalagang area manager na nagpapatibay sa mahigpit na pagbabantay at pananagutan sa mga paliparan.