Agriculture cluster pinulong ni PBBM

229 Views

PINULONG ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang agricultural cluster ng Private Sector Advisory Council (PSAC) at pinag-usapan ang mga prayoridad ng gobyerno upang maparami ang produksyon ng pagkain sa bansa.

Sa pagpupulong ay napag-usapan ang mga rekomendasyon kaugnay ng digital farming methods at estratehiya upang mapaganda ang supply chain na magpapalakas sa food security program ng gobyerno.

Inirekomenda rin ng PSAC ang pagrepaso sa mga polisiya ng National Food Authority (NFA) upang maging isa itong logistics hub at mabawasan ang gastos dito ng gobyerno.

Nilinaw rin ng Pangulo ang kanyang pagnanais na magamit ang digital platform ng Sarai ng Department of Science and Technology kung saan makakakuha ng mga advisory batay sa mga datos na makakalap ng Diwata micro-satellite.

Sa pamamagitan ng programa ng DOST, makakakuha ang mga magsasaka at mangingisda ng mga real-time na impormasyon kaugnay ng panahon at kung saan mayroong tagtuyo o tag-ulan at mga peste.

Pinamamadali rin ng Pangulo ang pagtatanim ng mga niyog at pamimigay ng mga seedling at mga buto na maaaring magamit sa intercropping activity upang mas mapakinabangan ang lupa.

Pinatututukan din ni Marcos ang pagkontrol sa African Swine Fever.

Pinarerepaso rin ng Pangulo ang Salt Iodization Nationwide (ASIN) law upang matulungan ang mga mangingisda na gumagawa ng asin para madagdagan ang kanilang kinikita.