DENR Source: DENR FB page

AI para mapalakas prediksyon sa sakuna sa kalikasan tinitingnan

Cory Martinez Oct 8, 2024
91 Views

PINAG-IISIPAN ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na gamitin ang Artificial Intelligence (AI) para mapalakas ang prediksyon sa mga sakuna at pati na rin maging handa sa anumang hindi inaasahang kaganapan na may kinalaman sa kalikasan.

Sa gaganaping Asia-Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction (APMCDRR) sa Oktubre 14-18 sa Philippine International Convention Center, sinabi ng DENR na bukod sa AI, tutukan din sa pulong kung paano magagamit ang mga satellites at drones para mabawasan ang epekto ng mga sakuna.

Ayon kay DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, magsisilbing krusyal ang AI upang magkaroon ng katatagan ngayong dumadami ang mga sakuna.

“As climate change intensifies disaster risks, integrating technologies like AI and space-based systems into our DRR strategies is vital for a safer, more resilient future.

APMCDRR serves as a platform for collaboration on solutions that protect both people and the environment,” ani Loyzaga.

Sa mga nakalipas na taon, napaigting na ang disaster management ng Pilipinas sa pamamagitan ng AI-powered tools, kabilang na ang mga inisyatiba sa ilalim ng GeoRisk Philippines na isang multi-agency initiative na pinangungunahan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST).

Binuo ito upang magkaroon ng pamamaraan at plataporma upang maibahagi ang epekto ng panganib, pagkalantad at iba pang impormasyon upang matulungan ang mga tao, komunidad, lokal na pamahalaan, national agencies na makapaghanda at makapagplano kung paano mababawasan ang epekto ng natural hazards.

Sa pangunguna ni DOST Secretary Renato Solidum at Professor Saini Yang ng Integrated Research on Disaster Risk (IRDR), tatalakayin sa conference kung paano makatutulong ang AI, unmanned aerial vehicles, (UAVs), satellite technologies at local and indigenous knowledge para mapabuti ang weather forecast at risk assessment.

Ang mga pagbabagong ito bahagi ng Sendai Framework for Disaster Risk Reduction 2015-2030 na layuning mabawasan ang panganib dulot ng sakuna at maprotektahan ang buhay at pangkabuhayan.

Bahagi ng talakayan na ito na mabigyang-diin ang kumbinasyon ng modern technology sa natural-based solutions at traditional practices upang mapangalagaan ang ecosystems mula sa epekto ng klima na isang isyu ng malaki ang kaugnayan sa Pilipinas at sa lokal at indigenous knowledge.