Diokno Sina Akbayan Representatives Chel Diokno (2nd kaliwa), Perci Cendaña (kaliwa), at Dadah Ismula (kanan), st Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao (2nd kanan).

AKBAYAN itinutulak Kontra E-Sugal Bill

338 Views

NAGSAMPA ang AKBAYAN Partylist ng panukalang batas na mahigpit na nagreregula sa mga online gambling platform sa bansa upang tugunan ang mga ulat tungkol sa lumalalang adiksyon sa pagsusugal, lalo na sa mga kabataan.

“Hindi natin dapat isugal ang kinabukasan ng ating mga kabataan. Hindi pwedeng maging sakripisyo ang ating mga anak para sa mga pangarap na jackpot ng mga magnanakaw ng sugal,” dagdag ni Akbayan Rep. Chel Diokno.

Kasama si Diokno ang mga Akbayan Representatives na sina Perci Cendaña, Dadah Ismula, at ang Kinatawan ng Dinagat Islands na si Kaka Bag-ao sa pagsusumite ng House Bill Blg. 1351 o ang Kontra E-Sugal Bill.

“Kailangan natin ng isang whole-of-government na paraan kung nais nating labanan ang masamang epekto ng online gambling. ‘Wag nating hayaang isugal ng ating mga kababayan hindi lang ang kanilang pera kundi pati ang kanilang buhay at mga pangarap,” ani niya.

Nilalayon ng panukala na limitahan ang access sa online gambling sa mga indibidwal na may edad 21 pataas at magpatupad ng mahigpit na Know-Your-Customer (KYC) protocols, na nangangailangan ng national ID o anumang identification na inisyu ng gobyerno para sa pagpaparehistro.

Kabilang din sa mga mahahalagang probisyon nito ang mga sumusunod:

Ipinagbabawal ang mga e-wallet at super apps sa pag-aanunsyo at pag-link sa online gambling.

Ipinagbabawal din ang mga patalastas ng online gambling sa mga pampublikong lugar.

Magtatakda ang PAGCOR ng araw-araw, lingguhan, at buwanang limitasyon sa pustahan at pagkatalo upang itaguyod ang responsableng pagsusugal.

Awtomatikong masususpinde ang mga manlalaro kapag lumampas sila sa itinakdang limitasyon ng oras o pagkatalo ng PAGCOR.

Magkakaroon ng 10 porsyentong buwis sa online gambling na gagamitin para sa rehabilitasyon mula sa adiksyon, edukasyon, pagpapatupad ng batas, at pananaliksik.

Magtatatag ng National Online Gambling Self-Exclusion Registry na pamamahalaan ng PAGCOR.

Aatasan ang gobyerno na magpatupad ng komprehensibo, batay sa ebidensya, at multi-sektoral na paraan upang maiwasan at mabawasan ang mga pinsalang dulot ng pagsusugal.

“Hindi dapat ganito kadali para sa mga kababayan nating itaya at mawala ang lahat ng mayroon sila. Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, magkakaroon ng matibay na proteksyon ang ating mga kababayan laban sa panganib ng online gambling at maiiwasan ang pagkakalugmok ng mga pamilya sa utang at pagkakawatak-watak,” dagdag pa niya.