Hatid

AKG nagsagawa ng Handag Pamasko para kina Lolo, Lola

399 Views

ANG Philippine National Police, sa ilalim ng pamumuno ng Acting Chief PNP Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ay patuloy na nagpapatupad ng mga programa na nagtataguyod ng kapakanan ng komunidad, kabilang ang isinagawang makabuluhang outreach activity ng Anti-Kidnapping Group (AKG) na pinamagatang “2025 Handog Pamasko para kina Lolo at Lola” noong December 1, 2025, sa Hospicio de San Jose, San Miguel, Manila.

Ang mga masisipag na personnel ng AKG ay namahagi ng food packs, wheelchairs, at naghatid ng masayang harana na naghatid ng saya at init ng Pasko sa mga nakatatanda. Naging pagkakataon ito upang makapagdulot ng aliw at makapagbahagi ng oras at pagmamahal sa ating mga lolo at lola.

Sa pakikipagtulungan ng Rotary Club of Makati Poblacion, matagumpay na naihatid ng AKG ang diwa ng malasakit at pakikipagkapwa-tao, na lalong nagpatingkad sa kahalagahan ng pagkalinga sa mga nakatatanda lalo na sa panahon ng kapaskuhan.

Pinuri ng Acting Chief PNP PLTGEN Nartatez ang pagsisikap ng AKG at binigyang-diin ang kahalagahan ng ganitong mga inisyatiba, na nagsasabing:

“Ang tunay na diwa ng pagiging alagad ng batas ay ang pagkakaroon ng malasakit—hindi lamang sa tuwing may krisis, kundi sa araw-araw na pakikisalamuha sa ating komunidad. Sa proyektong ito, ipinakita ng AKG na ang puso ng PNP ay laging handang magbigay ng pag-asa at saya, lalo na sa ating mga nakakatanda.”

Ipinapakita ng gawaing ito ang patuloy na dedikasyon ng AKG sa pagtulong at pag-aangat ng mga bulnerableng sektor ng lipunan, at nagpapatibay sa pangako ng PNP na nakaangkla sa Service, Honor and Justice.

Sa pamamagitan ng mas matibay na ugnayan at tuloy-tuloy na community engagement, isinusulong ng PNP ang adhikain ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas—Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman, para masigurong ang paglilingkod ng pulisya ay tunay na nararamdaman ng bawat mamamayan.