Calendar

Aksiyon ng LTO vs enforcers na nag-viral, sinang-ayunan ni Valeriano
BILANG Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, sinang-ayunan ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano ang aksiyon ng Land Transportation Office (LTO) laban sa mga enforcers nito na nag-viral sa isang insidente Pangalao, Bohol.
Nauna rito, ipinag-utos ni LTO Assistant Secretary Chief Atty. Vigor Mendoza II ang pagsasailalim sa lahat ng LTO enforcers sa refresher course matapos silang masangkot sa isang viral video tungkol sa marahas na pagtrato sa isang motorcycle rider.
Dahil dito, binigyang diin ni Valeriano na nakakahiya ang nangyaring insidente sa Pangalao, Bohol kung saan napanaood ng publiko kung papaano marahas na trinato ng limang LTO enforcers ang isang motorcycle rider na may dalang patalim.
Ipinaliwanag ng kongresista na bagama’t may bitbit na patalim ang motorcycle rider na nagpakilalang magsasaka hindi parin aniya ito dahilan para ganoon ang maging pagtrato nila dahil mistulang ginawa nilang kriminal ang natrurang rider.
Sabi ni Valeriano na pinapaboran nito ang pagsasailalim ng lahat ng LTO enforcers sa re-training para maipa-intindi sa kanila ang prinsipyo ng pagrespeto sa karapatang pantao ng mga motorcycle rider at ang tamang proseso sa pagpapatupad ng mga regulasyon.
Ayon kay Valeriano, ang re-training ay pamamaraan ng LTO upang hindi na maulit ang naganap na insidente dahil hindi maganda sa paningin ng general public na ang isang may katungkulan gaya ng LTO enforcers ay gumagamit ng dahas sa isang mamamayan na magbibigay ng napakasamang impresyon.
“Ang re-training ay isang pamamaraan para hindi na maulit ang nangyari sa Bohol. Dahil kahit saan natin tignan, hindi maganda sa paningin ng publiko. Baka ang isipin pa nila eh’ lahat ng may katungkulan eh’ mapupusok at mararahas,” wika ni Valeriano.