Calendar
“AKYAT BAHAY” MAN TIKLO AGAD SA RESPONDE NG CABANATUAN COPS
CABANATUAN CITY – Dahil sa mabilis at maagap na pagresponde, naaresto agad ng Cabanatuan City police ang isang hinihinalang miyembro ng “Akyat-Bahay gang” na umatake at tumangay ng laptop, cellphone, IPad at ATM cards mula sa isang bahay ng isang opisyal ng Commission on Elections-Nueva Ecija dito nitong Lunes ng madaling araw.
Kinilala ni city police head Lt. Col. Lester P. Zafra, ang naarestong suspect na si Alias Al, 28, ng Las Piñas City, Metro Manila.
Samantala, kinilala ang biktimang ninakawan na si Maya Donna Navarro, anak ni Leonardo Navarro, election officer ng San Leonardo, Nueva Ecija, nakatira sa Caridad Village, Cabanatuan City.
Natunton ng police tracker team ang suspect habang papatakas ito at pasakay ng isang Cisco Bus paluwas ng Cubao, Quezon City sa Central Transport Terminal sa Bgy. D.S. Garcia dakong alas 3:30 ng hapon.
Nauna rito, nagreklamo ang pamilya Navarro na nilooban ang kanilang bahay dakong 2:30 ng umaga ng isang di-kilalang lalaki na nakuhanan pa ng CCTV habang ginagawa ang krimen sa loob ng kanilang bahay.
Binanggit din ni Leonardo Navarro sa Journal Group na “pumanhik sa may garahe nila kaya nakapasok sa loob ng bahay ang suspect.”
Ayon kay Zafra, narekober mula sa suspect ang lahat ng ninakaw na gadgets, maliban sa ID at ATM cards ni Maya Donna at ang Criminal Law Textbook nito.
Dalawang linggo lang umano nang lumaya ang suspect mula sa kasong theft bago ito muling nahuli.
Sa pagkaaresto ng suspect sa terminal ng bus, nakumpiska din mula sa kanya ang isang navy green back-pack na may laman na isang fragmentation grenade.
Nagsilbing saksi sa operasyon at pagmarka at pagimbentaryo ng mga ebidensya ang mga opisyal sa barangay ng D.S. Garcia, ayon kay Zafra.
Mga kasong kriminal katulad ng robbery at paglabag ng Republic Act No. 9516 or the Unlawful Possession of Explosives ang iginagayak upang isampa sa City Prosecutor’s Office laban sa suspect.
