Thief Source: File PNP photo

Akyat Bahay natangay P1.5M alahas sa Ecija

Bernard Galang Jul 4, 2025
359 Views

NINAKAWAN ng tatlong pinaghihinalaang miyembro ng Akyat Bahay gang noong Huwebes ang isang bahay ng higit P1.5 milyon at mahahalagang gamit sa Brgy. Mambangnan, San Leonardo, Nueva Ecija.

Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., sinabi ng Nueva Ecija police na nagtungo ang may-ari ng bahay na si Rolando, 68, sa Brgy. Mambangnan para ipinaalam sa San Leonardo police ang pagnanakaw sa kanilang tirahan.

Sinabi ng biktima sa mga pulis na tatlong lalaki na nakasuot ng itim na jacket at bonnet ang puwersahang pumasok sa kanilang bahay sa pamamagitan ng pagbasag sa salamin na pinto at pagpunit sa screen ng bintana.

Nang makapasok, itinali ng mga suspek ang misis ng nagsumbong na si Amorfina saka tinakpan ng packaging tape ang bibig nito.

Pagkatapos noon tinangay ng mga suspek ang ilang gamit, $10,200 (P550,000), Rolex na relo na nagkakahalaga ng P400,000, tatlong gold bracelets na nagkakahalaga ng P180,000, isang white gold wedding ring na nagkakahalaga ng P40,000, tatlong diamonds na hikaw na nagkakahalaga ng P160,000, P10,000 at tumakas na.