Calendar
Albuera, Leyte Mayor Espinosa pinatay sa loob ng kulungan dahil sa pabuya – Acop
INIHAYAG ni Antipolo City Rep. Romeo Acop na pinatay umano ng mga pulis si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa dahil sa malaking pabuya na ibinigay ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa sa ilalim ng war on drugs nito.
Ang pahayag ay ginawa ni Acop, isang abogado at vice chairman ng apat na komite ng Kamara na bumubuo sa Quad Comm, sa ika-8 pagdinig noong Biyernes.
Ang Quad Comm ay ang pinagsama-samang komite ng Kamara na nag-iimbestiga sa mga extrajudicial killings kaugnay ng giyera kontra droga at mga paglabag sa karapatang pantao, at iba pang mga isyu.
Inilahad ni Acop ang kanyang opinyon sa pagtatanong nito kay dating Police Col. Marvin Marcos, ang hepe ng Region 8 Criminal Investigation and Detention Group (CIDG), at sa mga kasama nito sa pagdinig ng Quad Committee kamakailan.
“Iyong puzzle po ninyo, kaya nag-apply sila ng search warrant para makapasok at mapatay nila iyong tao. May reward iyong patay, eh. Iyong buhay, wala, eh,” paliwanag ni Acop, na isa rin dating heneral at miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Magiting Class of 1970, na sinang-ayunan din ni Surigao del Norte Robert Ace Barbers.
Si Espinosa ay pinatay habang nakakulong sa loob ng sub-provincial jail ng Baybay City noong Nobyembre 2016, na pinalalabas na isang engkwentro habang isinisilbi ang isang search warrant.
Ang alkalde, na isa sa maraming lokal na opisyal na iniuugnay ni Duterte sa ilegal na droga, ay una ng nakulong nang mahulihan ng ilegal na droga.
Sa panahon ng pagpatay kay Espinosa, si Jovie Espenido, na ngayon ay paretiro na, ay isa sa mga paboritong tauhan ni Duterte sa giyera laban sa droga, ang hepe ng pulisya ng bayan ng Albuera.
Sa parehong pagdinig ng Quad Comm, nagkaroon ng palitan ng kuro-kuro sa pagitan ni Barbers, ang pangunahing tagapangulo ng panel, at isa sa mga co-chairman na si Abang Lingkod Partylist Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano, at Marcos tungkol sa pagkamatay ni Espinosa.
Paulit-ulit na tinanong nina Barbers at Paduano si Marcos kung bakit kinakailangan ng kanyang CIDG team na kumuha ng search warrant laban kay Espinosa, na nakakulong, kaugnay sa ilegal na bagay na sinasabing nasa kanya sa loob ng kulungan sa Baybay City.
Ipinagtataka rin ni Barbers at Paduano ay kung bakit kailangan ni Marcos, na utusan ang kanyang team leader, si Maj. Leo Larraga, na arestuhin ang nakakulong ng alkalde ng Albuera.
“I heard you said na you ordered Maj. Larraga to arrest si Mayor Espinosa, why would you make such an order eh hindi lang siya arestado, naka-detain na siya. So bakit? What was the logic behind that order?” tanong ni Barbers kay Marcos.
Ipinapaliwanag ni Marcos ang layunin ng search warrant, nang putulin siya ni Barbers.
“No, no, yung arrest order that you ordered Maj. Larraga to implement. Sinabi mo kasi kanina I ordered Maj. Larraga to arrest Mayor Espinosa. Hindi ba naka-detain na siya?” tanong ng mambabatas.
“Yes sir. But if we will have a positive result based on the implementation of the search warrant on illegal drugs and possession of firearms, we will also arrest him to file another case because it would be a separate case dun sa nakakulong po siya, kasi ibang kaso po yun sir,” sagot naman ni Marcos.
Ayon pa kay Barbers: “It’s still a puzzle to me na kung bakit nagkaroon ng order na kinakailangan pa pala ng search warrant sa loob ng kulungan. Di ba normally ang ginagawa nyo Oplan Galugad. Gagalugad meron kayong info dun sa loob. Hindi naman na kailangan ng search warrant.”
Ang 19 na pulis ay kinasuhan sa korte kaugnay sa pagkamatay ni Espinosa, subalit ibinasura ng korte.
Base sa mga nakalap na testimonya ng Quad Comm, umaabot ng hanggang sa P1 milyon ang ibinabayad sa mga pulis at gun-for-hire na nakapatay ng high-profile drug suspects tulad ng mga lokal na opisyal.
Sa testimonya ni Espenido, sinabi nito na ang pondo na ginagamit sa drug war reward system ay nagmula sa jueteng at iba pang ilegal na sugal, mga Philippine offshore gambling operators (POGO), at mga intelligence fund na maaaring nagmula sa Office of the President at sa Philippine National Police (PNP).