Edd Reyes

Torre seryoso sa pagpapatupad ng five-minute emergency response

Edd Reyes Jun 25, 2025
322 Views

KUNG sa Maynila ay ipaiiral ni incoming Mayor Isko Moreno Domagoso ang gobyernong walang tulugan, ganito na rin ngayon ang panuntunan sa hanay ng mga opisyal ng kapulisan dahil sa utos na “five-minute emergency response” ni PNP chief P/Gen. Nicolas Torre III.

Ipinaramdam na kasi ni Gen. Torre sa mga opisyal na seryoso siya sa naturang kautusan nang sibakin sa puwesto ang walong hepe ng pulisya ng iba’t-ibang lungsod sa Kamaynilaan bunga ng pagkabigong tugunan ang utos sa isinagawang simulation exercises.

Dahil dito, nasa labas lagi at alerto na ngayon ang pulisya sa mga pangyayari sa kanilang nasasakupang lugar laluna sa hatinggabi dahil baka hindi makatugon sa itinakdang oras kapag nakatanggap ng tawag mula sa emergency hotline 911.

Ganyan naman talaga dapat ang ipamalas na paninindigan ng mga matataas na pinuno na kahit sino pa ang tamaan, maging kumpare, kaibigan, kaanak, at ka-badge pa sa PNPA ay hindi dapat makalusot kapag hindi nakatugon sa kanyang panuntunan.

Maaaring may magtampo o maghinanakit kay Gen. Torre sa pagpapa-iral ng mahigpit na panuntunan pero hindi lang naman kapakanan ng kanyang mga pulis nakatuon sng butihing Heneral kundi sa taumbayan na kanilang pinagsisilbihan at pino-protekhanan.

Sana, sa oras na matapos na ang termino ni Gen. Torre sa pagsapit ng kanyang takdang edad ng pagreretiro, sundan din ng susunod sa kanya ang mahigpit na panuntunan para mapanatili ang tiwala ng mamamayan sa kapulisan.

Totoong may kanya-kanyang estilo ang mga opisyal ng pulisya sa paraan ng kanilang pamumuno pero hindi naman siguro masama at wala naman sigurong mawawala kung gayahin man ang magandang panuntunang ipinatutupad ng kanilang hahalinhang opisyal.

Diskwento sa pasahe sa train ng mga estudyante

NANG ihayag ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang 50% diskuwento sa pasahe ng mga estudyante sa mga train, nagalak, hindi lang mga mag-aaral, kundi maging kanilang mga magulang na ang hangad naman ay mabigyan din ng diskuwento ang mga senior citizen.

Malaking tulong ito sa mga estudyante at kanilang magulang dahil mababawasan ang kanilang intindihin at mailalaan sa ibang bagay ang matitipid nila sa pasahe.

Bukod pa ito sa 20% diskuwento nila sa pampublikong sasakyan kaya binalaan na ang mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan, pati na rin ang transport network vehicle service (TNVS) na ipatupad ito dahil karapatan yan na hindi dapat ipinagkakait.

May batas kasi na magpapataw ng parusa sa mga hindi magbibigay ng diskuwento sa pasahe sa mga estudyante at senior citizen kaya hinimok ang mga mag-aaral at magulang na isumbong sa LTFRB hotline ang mga tsuper na hindi magbibigay ng diskuwento.

Panloloko gamit ang artificial intelligence, lumalala

PINAYUHAN ang publiko at maging negosyante na maging mag-ingat laban sa mga scammers na ginagamit ng artificial intelligence (AI) upang makapanloko at makapagtangay ng salapi.

Ang paalala ay dahil sa paglobo ng kaso ng panloloko gamit ang AI, lalu na sa paglikha ng pekeng transaksiyon sa mga bibiktimahing negosyante, tulad ng pekeng slip.

Nagagawa rin na makuha ang itsura at boses ng isang kilalang tao gamit ang AI upang makapangotong sa bibiktimahin kaya maging mapagbantay at itaas ang kamalayan laban sa mga scammers upang makaiwas na mabiktima.

Nakakalungkot na habang umaangat ang teknolohiya, sumasabay na rin ang pagiging high tech ng mga scammers.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com