Martin1

‘All systems go’ na para sa SONA; Speaker Romualdez sabik na marinig sasabihin ni PBBM

Mar Rodriguez Jul 23, 2023
163 Views

ALL system go” na sa Kamara de Representantes para sa pagdaraos ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Lunes, Hulyo 24.

Ito ay ayon kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez, na tinawag na “setting of the direction” ang unang SONA ng Pangulo.

Sinabi ni Speaker Romualdez, ang lider ng 312 miyembro ng Kamara, na walang inaasahang kakaiba sa SONA 2023 at kumpiyansa na magagawa ng mga mambabatas ang kanilang misyon.

“With President Ferdinand R. Marcos, Jr., setting the direction during his first State of the Nation Address, our mission in the House of Representatives has been to champion legislative initiatives that empower every Filipino citizen and promote inclusive, sustainable development,” ani Speaker Romualdez, isang administration stalwart at pangulo ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD).

“In essence, our mission has been to serve as true representatives of the Filipino people, translating their hopes and aspirations into meaningful, impactful legislation, and fostering a shared sense of progress and prosperity for all,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Inaasahan umano ni Speaker Romualdez na ilalatag ng Punong Ehekutibo sa SONA nito ang kanyang pananaw sa bansa sa mga darating na taon.

Nauna ng sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco na “all systems go” na ang SONA, at nasisiyahan umano si Speaker Romualdez sa ginawang paghahanda ng Mababang Kapulungan.

Noong Huwebes ay nagpatupad na ng lockdown sa Batasan Complex na ipatutupad hanggang sa Linggo bilang bahagi ng inilalatag na seguridad.

Ayon kay Velasco ang tema ng SONA 2023 ay Filipiniana na makikita umano sa mga kasuotan ng mga bisita at pagkaing ihahain sa kanila.

Mahigit 2,000 ang bisitang inaasahang pisikal na dadalo sa SONA upang pakinggan ang sasabihin ng Pangulo. Inaasahang magsisimula ito ng alas-4 ng hapon.

Kasama sa mga nagkumpirma na dadalo sa SONA ay sina dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, at Rodrigo Roa Duterte.

Ang classically-trained soprano na si Lara Maigue ang kakanta ng Lupang Hinirang sa SONA.

Isang choir naman mula sa Tacloban City, ang I Love Tacloban Quartet Singers, ang kakanta ng national anthem sa pagbubukas ng sesyon sa umaga.

Mas magiging maluwag na rin ang ipinatutupad na COVID-19 protocol at hindi na kailangan pa ng RT-PCR test ng mga fully vaccinated na laban sa COVID-19.

Mananatili naman ang hybrid setup sa sesyon at papayagang dumalo ang mga mambabatas sa pamamagitan ng teleconferencing.