Isko

Allowance para sa mga tagausig, hukom ipinalabas na ni Yorme Isko

Edd Reyes Nov 20, 2025
441 Views

INIUTOS ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso Huwebes ng umaga ang pagpapalabas ng mahigit P22.3 milyon na nakalaan bilang allowance ng mga tagausig at hukom na nakatalaga sa kapitolyo ng bansa,

Ang paglalabas ng pondo ay kasunod ng pagpapatawag niya ng pulong kina Senior Assistant City Prosecutor Jolas Brutas, Assistant City Prosecutor Jasyrr J. Garcia, Metropolitan Trial Court Executive Judge Michelle Divina-Delfin, at Regional Trial Court Executive Judge Carolina Icasiano-Sison Miyerkules ng hapon.

Sinabi ng alkalde na maibibigay na ng lokal na pamahalaan ang naipong allowance na hindi naibigay sa Tanggapan ng Tagausig ng mula Abril hanggang Oktubre, 2025 na nagkakahalaga ng P10,448,27 habang sa MeTC ay mula Mayo hanggang Setyembre 2025 na nagkakahalaga ng P4,047.000.00 at P7,807,000.00 naman sa RTC para sa buwan ng Mayo hanggang Hulyo, 2025.

Sa kabuuan, umabot sa P22,302,244.27 ang inilabas na salapi ng lokal na pamahalaan bilang pambayad sa allowance ng mga hukom at tagausig.

Nauna ng iniutos ni Mayor Domagoso ang paglalabas ng ₱317,014,291.84 bilang year-end bonuses at cash gifts ng mga regular na kawani ng City Hall na aniya ay kanyang naisakatuparan bunga ng mas mahigpit na pag-kontrol sa paggasta, pinahusay na pagkolekta ng salapi, at mahigpit na disiplina sa bawa’t departamento.