Nakaw

Mensahero ng bangko pinangsugal sa online card game pera na pinadeposito

Edd Reyes Nov 20, 2025
315 Views

TIKLO ang 38-anyos na bank messenger matapos kupitin ang mahigit kalahati ng ipinadedeposito sa kanyang P1.05 milyon para isugal sa online card games Miyerkules ng hapon sa Makati City.

Inaresto ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Acting District Director P/BGen. Randy Arceo si alyas Jessie, residente ng Bgy. 12, Caloocan City, matapos amining naisugal niya ang P650,000 mula sa bitbit na P1,050.000 at isinoli ang natitirang P400,000.00.

Sa pahayag ng bank manager ng isang bangko sa Alphaland, Makati Place na si alyas Melanie sa pulisya, inutusan niya ang suspek na ideposito ang naturang salapi na nakalagay sa brown envelope sa isa pang bangko.

Nang hindi na bumalik ang suspek at hindi na rin makontak sa kanyang cellphone, humingi na ng tulong sa pulisya si Melanie hanggang sumagot sa paulit-ulit niyang tawag at sinabing nasa Filmore St. siya sa Brgy, Palanan at pabalik na ng opisina.

Dito na inamin ng suspek sa harap ng kapulisan na ideniposito niya sa personal na bank account ang P650,000 para gamiting pansugal sa online card games na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.