Calendar

Alternatibong solusyon sa trapiko iminungkahi sa Senado
NAGKAKAISANG suporta ang ipinahayag ng ilang senador sa naging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpaliban ang nakatakdang rehabilitasyon ng EDSA.
Ayon sa kanila, bago simulan ang naturang proyekto, kinakailangan munang tiyakin ang sapat na paghahanda, maayos na alternatibong transportasyon, at epektibong traffic management upang maiwasan ang mas matinding abala sa publiko.
Pinapurihan ni Senador Joseph Victor “JV” Ejercito ang hakbang ng Pangulo at tinawag itong makabubuti para sa maraming sektor, lalo na sa mga manggagawa at negosyante na direktang maaapektuhan ng proyekto.
“Glad that the President already issued an order suspending the EDSA rehab!” ani Ejercito sa isang post sa Facebook.
Binigyang-diin ng senador na anumang konstruksiyon sa pangunahing arterya ng Metro Manila ay dapat munang dumaan sa masusing economic impact assessment. Ayon sa datos mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA), tinatayang ₱3.5 bilyon kada araw ang nawawala sa ekonomiya dahil sa kasalukuyang antas ng trapiko sa rehiyon. Babala niya, maaari itong lumobo hanggang ₱5.4 bilyon sa taong 2035 kung walang sapat na solusyon.
Iminungkahi rin ni Ejercito na unahin muna ang pagpapatayo ng mga proyektong riles tulad ng North-South Commuter Line at Metro Manila Subway bago ituloy ang rehabilitasyon ng EDSA.
“Ang kailangan natin ngayon ay ilatag ang mga riles, hindi muna ang pag-aayos ng mga kalsada,” aniya. “My position ever since is fast-track all railway projects—railway is the only way!”
Nagpahayag din ng suporta si Senadora Grace Poe sa naging desisyon ng Pangulo, at binigyang-diin ang kahalagahan ng maingat na pagpaplano upang maiwasan ang kaguluhan sa kalsada.
Binigyang-babala ni Poe na maaaring lumala pa ang problema sa trapiko kung isasara ang bahagi ng EDSA nang walang malinaw at sapat na paghahanda. Hinikayat niya ang mga ahensiya ng pamahalaan na samantalahin ang panahon ng pagkaantala upang bumuo ng komprehensibong traffic management plan, at isaalang-alang ang phased implementation na may 24/7 construction schedule. Dagdag pa niya, “More consultations with concerned stakeholders and affected groups should also be conducted.”
Ipinahayag naman ni Senador Joel Villanueva na hindi dapat maisakripisyo ang kapakanan ng publiko sa gitna ng mga infrastructure upgrade.
Tinukoy niya ang datos mula sa Traffic Index kung saan lumilitaw na ang mga motorista sa Metro Manila ay gumugugol ng 117 oras kada taon sa trapiko—halos kalahati ng kanilang kabuuang oras sa pagmamaneho. Nanawagan siya ng mas inklusibong pampublikong konsultasyon upang matiyak na makikinabang ang lahat sa mga solusyong ilalatag.
Hinimok din ni Villanueva ang Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH), at Metro Manila Development Authority (MMDA) na gumamit ng modernong teknolohiya upang mapabilis ang konstruksiyon—na maaaring tapusin sa loob lamang ng anim na buwan, sa halip na dalawang hanggang tatlong taon.
Bilang pangunahing may-akda ng Telecommuting Act, muling ipinaalala ni Villanueva ang kahalagahan ng flexible work setups. “Remote work can ease the pressure on our road networks and help workers cope during peak congestion periods,” aniya.
Sa kabuuan, nagkaisa ang mga senador sa panawagang ang anumang rehabilitasyon sa EDSA ay dapat nakaangkla sa malinaw na plano, epektibong koordinasyon ng mga ahensiya, at higit sa lahat, isinasaalang-alang ang kapakanan ng mamamayan.