Calendar
Alyas Ronnie huli sa 10 master cases ng yosi na halagang P573K

KAMPO HENERAL Malvar–Kalaboso ang sinapit noong Huwebes ng kinilalang si alyas Ronnie matapos makumpiskahan ng 10 master case ng mga sigarilyong tatak H&P na may halagang P573,000, boodle money at cellphone sa Brgy. San Felipe, Padre Garcia.
Ayon sa Bureau of Customs (BOC), humigit-kumulang sa ganong halaga ang nasamsam sa suspek.
Sinabi ni Batangas police director PCol. Oliver Ebora na bandang alas-9:10 ng gabi ikinasa ng PDEU/SOU BPPO at Padre Garcia police ang operasyon laban sa suspek.
Sasampahan ang suspek ng mga kasong paglabag sa RA 10643 o ang Graphic Health Warnings Law, RA 8424 o ang National Internal Revenue Code (NIRC).
Dinala ang naarestong suspek sa Batangas Medical Center para sa medikal na pagsusuri bago dinala sa opisina ng PDEU/SOU para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.

