Senior

Ambag ng senior citizens sa pagpaunlad sa PH kinilala

77 Views

KINILALA ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes ang napakalaking ambag ng bawat senior citizen sa pagpapa-unlad sa Pilipinas at paggabay sa bagong henerasyon, sa paggunita ng Filipino elderly week ngayong Oktubre.

Ang pagdiriwang ngayong taon ay may temang “Senior Citizen: Building the Nation, Inspiring Generations.”

“Kaya naman marapat lamang na bawat isang senior citizen sa bansa ay ating kilalanin, ipagdiwang at pahalagahan sa kanilang pagiging matibay na haligi ng ating komunidad at lipunan,” ayon sa mambabatas.

Tiniyak din ni Ordanes na patuloy niyang ipaglalaban ang mga karapatan ng senior citizens sa pamamagitan ng mga batas, mahahalagang serbisyo at programa.

Aniya noong 17th Congress, ipinaglaban ng Senior Citizens Party-list ang pagtatag sa National Commission of Senior Citizen at noong 18th Congress ay personal niyang ipaglaban ang pagtaas ng buwanang pensiyon ng mga mahihirap na senior citizen at ito ay P1,000 na ngayon mula P500.

At ngayon 19th Congress, isinulong ni Ordanes ang RA 11982, ang batas na magbibigay ng P10,000 sa mga aabot sa edad na 80, 85, 90 at 95.

Nakalusot na rin sa Kamara ang panukalang-batas para sa universal social pension para sa lahat ng senior citizens anuman ang katayuan sa buhay.

Kasalukuyan naman, dagdag pa ni Ordanes, na inilalapit niya sa Senado na ipasa na ang Early Voting Act, Comprehensive Senior Citizen Welfare Act, National Geriatric Health Act, Senior Citizens Protection Against Fraud Act, Enhancing the Discount on the Purchase of Good and Services of Senior Citizens and Person with Disabilities.

Gayundin ang E-Gov Ph Super App Act at Rationalizing the Benefits and Privileges of Senior Citizens and Persons with Disabilities.

“Ang mga ito ay para sa kalusugan, kasayahan at kabuhayan ng ating mahal na senior citizens. Patuloy pa kaming magsisikap sa Senior Citizens Party-list na lubos na maalagaan at mapangalagaan ang ating mga nakakatanda,” sabi pa ni Ordanes.