Marlon Purificacion

Ambulansiya at bisekleta

298 Views

AYAW talaga magpaawat ng Filipino Indian Commerce & Welfare Society Inc. (FICWSI), sa pagbibigay ng tulong sa mga nangangangailangan nating kababayan.

Kamakailan ay dalawang ambulansiya ang kanilang ipinadala sa lalawigan ng Sorsogon.

Tulong ito ni FICWSI President Manjinder ‘James’ Kumar para sa mga Sorsogenos na tulad nating lahat ay patuloy ibinibalik sa ‘new normal’ na pamumuhay bunsod ng pananalanta ng pandemya.

Mismong si Sorsogon Gov. Chiz Escudero ang tumanggap sa donasyong ambulansiya ng grupo ni Kumar.

Ayon kay Chiz, napakalaking tulong nito para sa kanyang mga kababayan. Kahit papano ay magagamit ito sa mga kababayang nangangailangan ng serbisyong medikal, lalo sa oras na ng emergency.

Hindi lamang mga medical frontliners ang makikinabang dito, kundi ang buong Sorsogenos.

Si Chiz na nagbabalik Senado ngayon ay isa sa nangungunang senatorial candidate sa kasalukuyan, base na rin naglalabasan na iba’t ibang survey.

Samantala, nag-donate naman ng mga bisikleta ang grupo ni Kumar sa Makati City.

Ang mga naturang bike ay tinanggap ni Makati Vice-Mayor Monique Lagdameo.

Labis-labis ang pasasalamat ni Lagdameo sa mga ibinigay na tulong ni Kumar.

“Thank you, thank you Mr. James Kumar. I hope you don’t go tired on helping us out. Thank you,” anang bise-alkalde sa kanyang FB Page.

“We truly appreciate it. We will make sure that it will help uplift the lives of Makati residents in 2nd District of Makati,” sabi pa niya.

Iba talaga si James, walang pinipiling lugar at walang pinipiling bagay na ipinamimigay.

Anuman iyan, ambulasiya o bisekleta, probinsiya o Metro Manila, ibibigay ni James, maibigay lamang ang nararapat na tulong na ibigay sa ating mga kababayan.

Ang catch dito, hindi po pulitiko si James.

Wala siyang planong sumabak basta ang kanya, makatulong lang ay sapat na!

Dumami pa sana ang lahi mo, Kuya James!

DEBATE

In fairness, naging matagumpay ang presidential debate na inilunsad ng CNN Philippines.

Hindi dumating si leading presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., dahil nasa Pangasinan ito para mangampanya.

Sinabi ng kampo ni Marcos na hindi niya puwedeng ipabago ang sked Pangasinan para lamang dumalo sa debate.

Matagal na kasing naka-schedule ito at ayaw niyang biguin ang mga kababayan natin doon.

Sa kabilang dako, pagkakataon na ng mga katunggali ni Marcos na mamayagpag sa debate.

Sana sa mga oras na ito, ang pag-usapan ng taumbayan ay ang magagandang plata porma de gobyerno nila at hindi iyong hindi pagsipot ni BBM sa debate.

Baka kasi ang mangyari, dedma ang lahat sa mga inilatag na programa ng ibang kandidato pero ang gusto nila ay siraan lang ng husto si Marcos.