Tansingco

American national nasakote sa pangmomolestiya ng 2 bata

196 Views

INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa isang American national na wanted umano sa Wisconsin kaugnay ng umano’y pangmomolestya ng bata dalawang dekada na ang nakakaraan.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang naaresto na si Francisco Gomez, 62. Siya ay naaresto sa Ermita, Manila ng mga tauhan ng BI-Fugitive Search Unit (FSU).

Ipinalabas ni Tansingco ang mission order para sa pag-aresto kay Gomez batay sa hiling ng US authorities na tumulong upang mahanap ang suspek.

“We will deport him as soon the BI Board of Commissioners issues the order for his summary deportation after which he will be blacklisted and banned from re-entering the country,” sabi ni Tansingco.

Nahaharap umano si Gomez sa kasong sexual assault of a child sa Milwaukee, Wisconsin. Nagtago umano ito sa Pilipinas noong 2006.

Itinuturing na umanong undocumented alien si Gomez dahil kinansela na ng US government ang kanyang pasaporte.