Leak FB post of Joboy Del Rosario Zuñiga

Ammonia tumagas sa planta ng yelo sa Caloocan, 13 naospital

Edd Reyes Apr 29, 2026
29 Views

Leak1

ISINUGOD sa pagamutan ang 13-katao matapos makaranas ng hirap sa paghinga sanhi ng nalanghap na masangsang na amoy mula sa tumagas na ammonia sa planta ng yelo Miyerkules ng madaling araw sa Caloocan City.

Sa ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kabilang sa mga dinala sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium (DJNRMHS) ang limang taong gulang na batang lalaki, isang senior citizen, at dalawang babae, matapos makalanghap ng masangsang na amoy na nagmula sa tumagas na ammonia sa Cristal Ice Plant sa 191 Deparo St. Brgy. 168.

Umabot naman sa 90 indibiduwal sa naturang barangay ang inilikas at pansamantalang dinala sa dalawang evacuation center habang isinara rin muna sa daloy ng trapiko ang lugar hangga’t hindi nawawala ang masamang na amoy.

Dakong alas-7:40 ng umaga nang matukoy ng mga tauhan ng Caloocan Bureau of Fire Protection (BFP) ang pinanggagalingan ng singaw kaya’t kaagad nilang isinara ang barbula (valve), pinatuyo ang tubong dinadaluyan ng ammonia, at naglagay ng mga exhaust fan para tuluyang mawala ang masangsang na amoy.

Kaagad namang naglabas ng paalala si Caloocan City Mayor Along Malapitan sa mga nanininirahan sa lugar na manatili muna sa loob ng kanilang bahay, magsuot ng face mask kung lalabas, at magtungo sa pinakamalapit na health center kung nakaranas ng hirap sa paghinga.

Humingi naman ng paumanhin at pang-unawa ang may-ari ng planta at sinabing handa nilang sagutin ang naging pinsala at pagkalooban ng tulong ang mga naapektuhan sa pagtagas ng kemikal.

Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa lokal na pamahalaan, BFP, at City Health Office upang harapin ang isasagawang imbestigasyon at matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga residente sa naturang barangay.