bro marianito

Ang aking naging buhay bago pa man ako tinawag ng Panginoong Diyos para mag silbi sa kaniya

454 Views

Ikatlong Yugto 3

PAGKATAPOS ng meeting ng mga Lay Minister noong hapong iyon, nilapitan
ko ang Krus na iniyakan ko at hiningan ng kapatawaran para sa aking napakaraming kasalanan, habang nakataas ang aking mga kamay na parang bang isang “kriminal” na sumusuko sa taong pinaka-makapangyarihan (JesuKristo).

Nagdasal ako ng mataimtim (Hindi na gaya ng dati na maraming distractions ang pumapasok sa aking isip habang nagdadasal). Ngayon ay masasabi kong nagagawa ko ng magdasal ng seryoso at talagang naka-focus o nakatuon ang aking atensiyon sa Diyos na nagpatawad sa aking mga kasalanan.

Pinasalamatan ko ang Panginoong Jesus sa pagkakatawag niya sa akin para maglingkod sa kaniya. Nasambit ko habang nananalangin ang mga salitang ito. “Panginoon, narito na po ako, nagpapasalamat po ako sa pagkakatawag mo sa akin para maglingkod sa’yo”.

Bagama’t kakatwa o kakaiba ang naging pamamaraan ng pagtawag sa akin ng Panginoon, maaaring para sa iba ay isa itong kalokohan dahil nagsimula lamang sa “basketball” ang aking bokasyon bilang Lay Minister. Subalit mahalaga pa ba ang pamamaraan?

Sapagkat may iba’t-ibang paraan din naman kung papaanong tinawag ni JesuKristo ang kaniyang 12 Disipulo para mamalakaya ng mga tao at pangangaral sa Salita ng Diyos para sa mga taong naliligaw ng landas.

“Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na naghuhuli ng isda sa pamamagitan ng lambat. Sila’y kapwa mangingisda, sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kay sa akin at kayo’y gagawin kong mangingisda ng mga tao.” (Marcos 1:16-17)

Hindi na mahalaga kung sa anong paraan tayo tinawag ng ating Panginoong Jesus para maglingkod sa kaniya. Dahil ang importante ay kung paano natin tinugon ang tawag at paanyaya ni Kristo para sumunod sa kaniya.

Si Jesus ang nagsabi na hindi nangangailangan ng doktor ang mga taong walang sakit kundi ang mga may karamdaman. Hindi ito isang pisikal na karamdaman, kundi sakit sa ating kaluluwa na naglalayo sa atin sa Panginoong Diyos.

“Narinig ito ni Jesus kaya’t siya ang sumagot. “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang may-sakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid.” (Marcos 2:17)

Ilang buwan ang lumipas, naramdaman ko ang isang malaking pagbabago. Noong una’y nagdududa pa ako sa aking sarili kung ang lahat ba ng ito’y talagang totoo o nadadala lamang ako ng mga naging pangyayari sa buhay ko sapul ng ako’y magsisi.

Sa simula’y nasasabi ko sa aking sarili na baka itong mga kasalukuyang kong ginagawa ay sa umpisa lang. At hindi maglalaon ay babalik din ako sa dati kong gawain. Mga masasamang bisyo na dati kong kinagigiliwan.

Ang mga hindi ko naman dating ginagawa ay parang ngayon ko nagagawa sa hindi maipaliwanag na kadahilanan. Katulad ng araw araw na pagsisimba sa Santo Domingo Church. Ako’y nagsisimba sa umaga (8:00 Mass) at babalik ulit ako sa hapon pagkatapos ng trabaho para muling magsimba (6:00 Mass).

Hindi ko maunawaan kung ano ba ang nangyayari sa akin. Samantalang noong araw ay parang pinapaso ang puwit ko kapag nagsisimba. Ang gusto ko ay matapos na agad ang Misa at inaantok din ako kapag nagse-Sermon ang Pari.

Kadalasan pa nga ay dumadalo lang ako sa Misa kung kailan nasa kalagitnaan na ang seremonya. Kung saan malalpit nang magbigay ng Communion. Pagkatapos ng Misa, umaalis na ako agad. Halos 20 minuto lang akong nagsimba.

Subalit ngayon ay parang gusto kong Magsimba, makinig sa Sermon ng Pari at tumanggap ng Communion. Kaya ang pakiramdam ko sa sarili ko ay para akong nasisiraan ng bait o wala sa katinuan. Sapagkat ginagawa ko ngayon ang mga bagay na hindi ko naman dating ginagawa.

Dahil dito, lumapit ako sa kaibigan kong Pari sa Santo Domingo Church na si Fr. Virgilio Ojoy, O.P. para sa isang counseling para hanapan ng kasagutan mula sa kaniya ang kasalukuyang nararamdaman at ginagawa ko.

Sa pag-uusap namin ni Fr. Ojie,O.P. (Palayaw ni Fr. Ojoy), ikinuwento ko sa kaniya ang mga hindi maipaliwanag na ginagawa ko. Kung bakit nangyayari ngayon ang mga bagay na ito na hindi ko naman dating nakaugaliang gawin.

Ang tanong sa akin ni Fr. Ojie, O,P: “Ano ba ang nararamdaman mo kapag umaatend ka ng Misa?” Sumagot ako ng ganito: “Father, kapag umaatend ako ng Misa, nararamdaman ko na nagkakaroon ako ng “peace of mind at peace of heart”. Sa Hindi maipaliwanag na dahilan. Para na-attract ako sa Eucharist (Misa)”.

Ang sagot sa akin ni Fr. Ojie: “Talagang nakaka-attract ang Eucharist lalo na ang pagtanggap ng Communion. Kung ganiya ang nararamdaman, masasabi na “authentic” ang iyong pananampalataya sa Diyos”.

Matapos itong sabihin sa akin ni Fr. Ojie, O.P., dito ko naunawaan na hindi lamang pala sa pamamagitan ng “basketball” ako tinawag ng ating Panginoong Jesus. Kundi ang mga problemang bumalot sa aking lumang pamumuhay para magsilbi itong daan para ako’y makapag-lingkod sa kaniya. Ito ang ginamit na instrumento ni Kristo para ako’y maging “Alagad” niya.

MAY KARUGTONG…….