Barbers

Ang impeachment ay hindi paligsahan sa kasikatan o beauty pageant — Barbers

104 Views

HINIMOK ng House prosecution panel nitong Biyernes ang mga Pilipino na husgahan ang impeachment case laban kay Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte batay sa mga ebidensyang ihaharap sa Senate Impeachment Court, at iginiit na ang impeachment ay usapin ng pananagutan sa ilalim ng Konstitusyon, hindi ng kasikatan.

Sinabi ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, tagapayo at tagapagsalita ng House impeachment team, na hindi dapat malihis ang atensyon ng publiko dahil sa mga survey, kundi ituon ito sa mga ebidensyang inilalahad sa impeachment court.

“Hindi importante sa ngayon kung sino ang popular, dahil hindi nga po ito popularity contest o beauty pageant,” ani Barbers sa isang press briefing.

Tinukoy ni Barbers ang pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), na nagpakitang nakakuha si Duterte ng “good” na net satisfaction rating na +31 noong Hunyo, mula sa +29 noong Marso.

Ayon sa isinagawang survey noong Hunyo 20 hanggang 29, 58 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing sila ay nasisiyahan sa kanyang pagganap, habang 26 porsiyento naman ang hindi nasisiyahan.

Sinabi ni Barbers na mahirap magbigay ng konklusyon batay lamang sa survey kung hindi alam ang eksaktong mga tanong at kung ano ang sinusukat nito.

“Kung alam natin kung ano ’yung tanong doon sa survey, siguro more or less magkakaroon tayo ng picture kung ano yung posibleng dahilan kung bakit,” aniya.

Sa halip, hinimok niya ang publiko na tutukan ang paglalahad ng mga ebidensya sa Senate Impeachment Court.

“Ang ating importanteng makita at mabigyan ng pansin, ang paglalatag ng ebidensya. Dapat marinig, maintindihan ng ating mga kababayan, nang sa ganun magkaroon sila ng sariling konklusyon o opinyon dito sa usapin ng impeachment,” sabi ni Barbers.

Kinilala niya na mahirap maunawaan ng publiko ang proseso ng impeachment dahil sa mga usaping legal at konstitusyonal na kaakibat nito, ngunit sinabi niyang ang mga ebidensyang ihaharap sa korte ang magbibigay sa mga Pilipino ng sapat na batayan upang makabuo ng sariling pasya.

“Mula mismo sa impeachment process, ito’y masalimuot na proseso. Napakahirap din maintindindihan ito,” aniya.

“Kaya nga isa sa mga pamamaraan para ito maintindihan ng ating mga kababayan ay mailatag natin ang ebidensya. At diyan mismo siguro, that will already help the people to come up with conclusions or opinions on the issue.”