Calendar
Tolosa: Mataas na satisfaction ratings ‘di pwedeng kasangkapanin ni VP Sara
BINIGYANG-DIIN ni House prosecution legal spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. na hindi maaaring kasangkapanin ni Vice President Sara Z. Duterte ang mataas na satisfaction rating niya para pigilan ang Senate impeachment trial laban sa kaniya.
Hindi maaaring gamiting “kalasag” ang pagtaas ng satisfaction rating ng Pangalawang Pangulo para matakasan ang kanyang mga pagkakasala sa batas at sa taong bayan, ayon sa abogado.
Ipinaliwanag din ni Tolosa na ang mataas na pag-apruba ng publiko ay hindi nangangahulugang hindi na maaaring papanagutin ang isang opisyal ng pamahalaan sa mga alegasyon ng paglabag sa Konstitusyon at pagtataksil sa tiwala ng taumbayan.
“Hindi ito paligsahan ng kasikatan. Isa itong mekanismo ng pananagutan na itinatadhana ng Konstitusyon,” sabi ni Tolosa.
Ang Social Weather Stations (SWS) survey na tinalakay sa briefing ay isinagawa mula Hunyo 20 hanggang 29 bago pa nagsimula ang paglilitis sa Senado.
Ang survey ay sumusukat lamang sa antas ng kasiyahan ng publiko sa pagganap ng Bise Presidente at hindi sa pananaw ng mga tao hinggil sa mga ebidensyang inihaharap sa impeachment trial, ayon sa abogado.
Iginiit ng House prosecution na maaaring nasisiyahan ang ilang mamamayan sa ilang serbisyong naibibigay ng Bise Presidente ngunit maaari pa rin nilang suportahan ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng mga hiwalay na alegasyon tulad ng pagbabanta, umano’y maling paggamit ng confidential funds at hindi maipaliwanag na yaman.
Binigyang halimbawa rin ni Tolosa ang naging impeachment trial ng yumaong si Renato Corona na sumailalim din sa paglilitis sa Senado kahit mayroon siyang suporta mula sa publiko.
Sa huli, nahatulan siya dahil sa kabiguang maayos na ideklara ang kanyang mga ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Ayon sa kaniya, malinaw sa Konstitusyon na ang Senado ang may kapangyarihang magpasya kung ang isang opisyal na sumasailalim sa impeachment ay nagkasala ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, iba pang matataas na krimen, o betrayal of public trust.
Nauna na ring sinabi ni House prosecution spokesperson at impeachment adviser na si dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na kung pagbabatayan ang popularidad ng isang opisyal sa pagpapasya kung itutuloy ang impeachment trial, para na ring binigyan ng immunity ang mga opisyal na may mataas na approval ratings laban sa pagsusuri sa ilalim ng Konstitusyon.

