Calendar
Panukalang batas nais ng school safety council sa bawat lungsod, bayan
ISINUSULONG ni Sen. Mark Villar ang pagtatatag ng School Safety Council sa bawat lungsod at munisipalidad sa ilalim ng panukalang sumasaklaw sa seguridad at paghahanda sa emergency sa mga pampubliko at pribadong paaralan mula kindergarten hanggang Grade 12.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2321, o Learning Institution’s Guaranteed Threat Avoidance and Safety Act, pag-uugnayin ang mga paaralan, lokal na pamahalaan, pulisya, bumbero at disaster-response units kapag may banta o emergency.
“These incidents are painful reminders that violence can happen even in places where our children are supposed to feel safest,” sabi ni Villar.
Bubuuin ang bawat School Safety Council ng mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, education sector, pulisya, bumbero, disaster-response units, mga paaralan at mga magulang.
Bubuo ang mga konseho ng mga patakarang angkop sa kanilang lugar, pag-uugnayin ang mga ahensyang tutugon sa emergency at susubaybayan ang pagsunod ng mga paaralan sa safety standards.
Iminumungkahi rin sa panukala ang paglalagay ng emergency hotlines sa police, fire at response units at agarang pag-abiso sa mga magulang kapag may emergency na kinasasangkutan ng estudyante.
Kabilang din sa mga panukalang hakbang ang sapat na first-aid at emergency equipment, mga sinanay na medical personnel at mga security guard, closed-circuit television cameras, angkop na security-screening systems at safety training para sa mga estudyante at school personnel.
Inihain ang panukala kasunod ng mga iniulat na insidente ng pamamaril at pananaksak na kinasasangkutan ng mga estudyante at school personnel.
Tatlong estudyante ang nasawi at hindi bababa sa 20 ang nasugatan sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22, ayon sa mga ulat.
Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang imbestigasyon at paghihigpit ng seguridad kasunod ng insidente.
Binanggit din sa pahayag ni Villar ang magkahiwalay na insidente ng pananaksak sa Cavite at Las Piñas ngunit wala itong ibinigay na iba pang detalye.
“Through the LIGTAS Act, we want safer and more prepared schools where every Filipino student is protected,” sinabi ni Villar.

