Calendar
Source: Primo Bacunawa FB
Passenger checks hiniling higpitan
HINILING ni Sen. Mark Villar sa Senado na suriin ng mas mahigpit na pagkumpirma sa pagkakakilanlan ng mga pasahero matapos ang mga iniulat na pagpatay sa dalawang ride-hailing rider sa Cavite at Caloocan.
Naghain si Villar ng Senate Resolution No. 527 na humihiling ng pagsusuri sa mga hakbang sa seguridad para sa mga driver at pasahero, koordinasyon ng ride-hailing companies at law-enforcement agencies at mga tungkulin ng mga ahensya ng pamahalaan at transport platforms.
Binanggit sa kanyang pahayag ang pagholdap at pagpatay sa isang rider sa Cavite at ang pananaksak hanggang sa ikamatay ng isa pang rider sa Caloocan.
“Hindi natin maaaring hayaang maging normal o dumami pa ang mga karumal-dumal na insidente laban sa ating mga TNVS riders.
We must put in place stronger preventive measures that protect both drivers and passengers, especially at a time when criminals are becoming brazen,” sabi ni Villar.
Kabilang sa mga hakbang na maaaring pag-aralan ang mas mahigpit na pagkumpirma sa pagkakakilanlan ng mga pasahero, pagpapahusay ng real-time trip monitoring at pagpapalakas ng in-app emergency features.
Ayon kay Villar, nahaharap sa panganib ang mga ride-hailing driver dahil regular silang nagsasakay ng mga taong hindi nila personal na kilala, kabilang ang mga maaaring magpanggap bilang lehitimong pasahero.
Nanawagan din siya sa mga awtoridad na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa mga pagpatay at tugisin ang mga responsable alinsunod sa batas.
“Ang mensahe ay dapat malinaw: walang puwang ang karahasan laban sa mga naghahanapbuhay. Hindi tayo titigil hangga’t hindi napapanagot ang mga responsable,” sinabi ni Villar.
Kailangan munang i-refer ang resolusyon sa kaukulang komite ng Senado bago makapagsagawa ng pagdinig.
Maaaring tawagin ang ride-hailing companies, transport regulators, law-enforcement agencies at mga kinatawan ng mga driver at pasahero upang ihayag ang kanilang mga posisyon.

