Calendar
1-Rider Party-list isinusulong mas mahigpit na beripikasyon ng mga pasahero
NANAWAGAN si Congressman Ramon Rodrigo “Rodge” Gutierrez, kinatawan ng 1-Rider Party-list, para sa pagpapatupad ng mas mahigpit at obligadong beripikasyon ng mga pasahero sa mga motorcycle taxi service upang maprotektahan ang mga rider laban sa mga banta ng krimen. Binigyang-diin ni Gutierrez ang pangangailangan ng mas matatag na mga patakaran sa beripikasyon ng mga pasahero—kabilang ang mas masusing pagsusuri ng mga ID, paggamit ng facial recognition kung posible, at mas mahigpit na mga pananggalang sa booking—upang maiwasan ang mga insidenteng katulad ng malagim na pagpaslang sa 35-anyos na rider na si Ren Ren De Laviga at kay Fabio Norberte Jr.
Noong Hulyo 15, 2026, ninakawan at binaril hanggang sa mapatay si De Laviga ng isang pasaherong kanyang isinakay para sa biyaheng mula Maynila patungong Carmona, Cavite. Sa una, itinuring ng pulisya na hit-and-run ang insidente hanggang sa makakita ng mga basyo ng bala sa pinangyarihan. Kalaunan, naaresto ang suspek sa Tondo, Maynila sa pamamagitan ng isang police entrapment operation, kung saan nabawi rin ng mga awtoridad ang motorsiklo ng biktima at isang kalibre .45 na baril.
Sa hiwalay namang insidente, nasawi ang Move It rider na si Fabio Norberte Jr. matapos siyang saksakin ng ice pick ng kanyang pasahero sa Caloocan. Tinangay ng suspek ang motorsiklo ng biktima bago tumakas. Si Norberte, na ama ng isang batang may espesyal na pangangailangan, ay inatake habang nasa trabaho. Ipinakikita ng mga insidenteng ito ang pangangailangan ng mas matibay na pagbabago sa mga polisiya upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorcycle taxi rider.
“Kapag hindi talaga na-verify nang maayos ang pasahero, madaling target ang mga riders na madalas ay mag-isa sa kalsada,” ani Gutierrez, Senior Vice Chair ng House Committee on Transportation. “Hindi po ito basta-bastang patakaran lamang—buhay at kaligtasan ng ating mga riders ang nakasalalay dito.”
Kasalukuyang nagsasagawa ang 1-Rider Party-list ng mga konsultasyon sa mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) companies upang makalap ang kanilang mga karanasan at rekomendasyon na magsisilbing batayan sa pagbuo ng mas matitibay na panukalang polisiya.
Muli ring nanawagan ang Deputy Majority Leader para sa agarang pagpasa ng House Bill No. 4416, o ang panukalang Motorcycle Taxi Act, na naglalaman ng komprehensibong mga hakbang sa kaligtasan at regulasyon para sa industriya.
“Kami po ay nananawagan sa ating mga kasamahan dito sa Kamara at sa Senado—ipasa na po natin ang Motorcycle Taxi Bill. Protektahan po natin ang buhay at kabuhayan ng ating mga riders,” aniya.
Kapag naisabatas, inaasahang magbibigay ang panukalang batas ng kinakailangang regulasyon, proteksiyon, at pagkilala sa libu-libong motorcycle taxi rider na nagsisilbing mahalagang katuwang sa araw-araw na pagbiyahe ng milyun-milyong Pilipino.
