Bro. Marianito Agustin

Ang Kaharian ng Diyos ay matatagpuan sa puso

469 Views

Matatagpuan natin ang Kaharian ng Diyos sa bawat taong namumuhay sa kabanalan (Lucas 17:20-21)

“Sapagkat ang totoo’y nagsimula nang maghari ang Diyos sa puso ng mga nananalig sa Panginoong Diyos”. (Lucas 17:20-21)

Ang pangunahing argumento ng mga “atheist” o yung mga taong hindi naniniwala sa Diyos, kaya daw naniniwala silang walang Diyos ay dahil ilang beses ng nakarating at nagpabalik-balik sa kalawakan ang mga astronaut.

Subalit kahit minsan ay hindi nila natagpuan duon ang sinasabing Kaharian ng Diyos, tulad ng itunuturo ng Bibliya na Tahanan ng Panginoon sa Langit.

Hindi nakita ng mata ng mga naglakbay na astronaut sa kalawakan ang Kaharian ng Diyos sa Langit. Kaya buong buo ang paniniwala at paninindigan ng mga atheist na hindi totoong may Diyos.

Hindi naman talaga makikita ng dalawang mata ang Kaharian ng Diyos o ang tinatawag na “physical presence” nito kagaya ng nais nating mangyari.

Sapagkat ang Kaharian ng Diyos ay matatagpuan sa puso ng bawat nananampalataya sa ating Panginoon. Sa mga taong ito makikita ang kabutihan at habag ng Panginoong Diyos.

Ang pamumuhay nila sa kabanalan ang matibay na testimonya at pagpapatotoo na ang Kaharian ng Diyos ay hindi pisikal na makikita sa kalawakan kundi sa kabutihang loob ng bawat taong may malakas na pananampalataya sa ating Panginoong HesuKristo.

Ito ay pinatotohanan din mula sa Sulat ni San Lucas (Lk. 17:20-21) nang wikain ni Hesus na “Ang pagsisimula ng paghahari ng Diyos ay walang makikitang palatandaan. At wala ring magsasabing nagsimula na doon o dito”. (Lk. 17:20-21)

Minsan, may mga taong nagsasabi na kung totoong may Diyos. Bakit laganap ang kriminalidad, maraming kababaihan ang biktima ng panghahalay at maraming biktima ng panggagantso.

Ang lahat ng tao ay biniyayaan ng Panginoong Diyos ng kalayaan. Kaya nga mayroon tayong isip dahil nasa ating “discretion” o nasa ating pagpapasya ang mga gusto nating gawin sa ating buhay.

Mabuti man o masama ang ating gagawin binigyan tayo ng kalayaan ng Panginoon na mamili kung anong klase ng buhay ang ibig nating tahakin dito sa ibabaw ng mundo.

Kung may mga tao man ang gumagawa ng kriminalidad, may mga taong walang respeto sa mga kababaihan at may mga taong nanloloko ng kanilang kapuwa at hindi lumalaban ng parehas.

Sapagkat ito ang klase ng buhay na pinili nila. Ito ang landas na tinahak nila gayong alam na alam nila sa kanilang sarili na kasalanan sa Diyos ang mga ganitong masasamang gawain.

Ngunit sa kabila ng mga may taong namumuhay sa kasamaan may ilan din naman ang nagsisikap mamuhay sa kabutihan at kabanalan. Sa kanila natin makikita ang Kaharian ng Diyos.

Sila ang mga taong kumakalinga sa mga nagugutom, may sakit at mga taong nakalugmok na dahil sa kahirapan. Sila ang nagpaparamdam sa mga kapuspalad ang pag-ibig at habag ng Diyos.

Sa kanila natin tunay na makikita ang Kaharian ng Panginoong Diyos. Sa kanilang matibay na pananalig kay Kristo.

Manalangin Tayo:

Panginoon. Tulungan mo po kami na maiparamdam namin sa mga taong nagdududa ang Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng aming mabubuting gawa.

AMEN