Calendar
Ang mga bagay na inaasam natin ay hindi nadadaan sa mabilisan. Kailangan natin itong pagsikapan. (Marcos 10:35-45)
Sumagot sila, “Sana po ay makaupo kaming katabi ninyo sa inyong kaharian. Isa sa kanan at isa sa kaliwa”. (Marcos 10:37)
SA ATING kasalukuyang modernong panahon, ang lahat ng bagay na naririto na ngayon sa ibabaw ng mundo ay puro “instant”. Ang lahat ay napakadali na hindi mo na kailangan pang mag-exert ng effort o ” magbanat pa ng buto para lamang makuha ang isang bagay na inaasam o ninanais mo.
Malayo ang kasakukuyang panahon sa mundong unang nakagisnan natin na kailangan mo talagang paghirapan ang isang bagay bago mo makamit ang anomang nais mong mangyari o isang objective. Halimbawa na lamang sa isang napakasimpleng pagtitimpla ng kape. Noong araw, bago ka makahigop ng nakapa-init at masarap na kape, kailangan mo munang magluto ng mga sangkap na gagamitin para makagawa ka ng kape.
Subalit mayroon na ngayong tinatawag na instant coffee o three-in-one. Sa isang sachet naroon na ang kape, asukal at gatas. Mainit na tubig at baso na lang ang kulang. May instant noodles din na tubig lang ang katapat. Ang lahat ng bagay ay naging madali pero may kaakibat naman na masamang epekto. Sapagkat ang sobrang pagkain daw ng mga instant lalo na ang mga fast food ayon sa pag-aaral ng mga health experts ay masama sa ating kalusugan. In short, maari tayong magkasakit.
Ang usapin ng “instant” o mabilisan ay matutunghayan natin ngayon sa Mabuting Balita (Marcos 10:35-45) kung saan lumapit ang magkapatid na Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo upang hilingin kay Jesus na makaupo sila katabi nito sa kaniyang kaharian isang sa kaliwa at yung isa naman ay nasa kanan.
Mistulang ambisyoso ang dating ng magkapatid na Santiago at Juan sa ating Ebanghelyo. Gusto nilang makatabi ang ating Panginoong Jesus duon sa kaniyang kaharian sa Langit kahit wala pa naman talaga silang napapatunayan na sila ay karapat-dapat para sa isang karangalang kagaya ng kanilang hinihiling.
Ang nais mangyari ng magkapatid na Santiago at Juan ay makuha nila ang isang bagay na hinihingi nila sa pamamagitan ng madaling paraan o sa isang iglap lamang (instant). Tila ayaw nila itong pagpaguran, mag-exert ng effort, paghirapan at higit sa lahat pagsikapan. Parang ginagamit nila ang pagiging Apostoles o Alagad ni Jesus para makuha ang isang bagay sa madaling paraan. Sa madaling salita, ang akala nila ay makukuha nila ang bagay na iyon sa pamamaraan ng paggamit ng impluwensiya.
Subalit napakalinaw ng winika ng ating Panginoong HesuKristo sa ating Pagbasa na hindi siya ang magpapasya kung sino ang mauupo sa kaniyang kanan at sa kaniyang kaliwa dahil ang mga “karangalang” iyon ay para sa mga pinaglalaanan. (Marcos 10:40) kulang na lang marahil na sabihin ni Jesus na ang karangalang hinihingi o hinihiling ng magkapatid ay nakalaan para duon sa mga taong karapat-dapat.
Ang sinabi natin sa simula pa lamang na ang lahat ng bagay na instant o dinaan sa mabilisan ay nagdudulot ng masamang epekto. Maging ito man ay sa ating kalusugan, personalidad bilang tao, magiging impression sa atin ng ibang tao at magkakaroon ng negatibong epekto sa atin bilang isang lider o kaya namumuno. Sapagkat ang isang bagay na nakuha natin ay hindi naman natin talaga pinaghirapan ay totoong magdulot ito ng masamang implikasyon.
Gaya na lamang halimbawa sa loob ng isang opisina. Ang isang tao na nalagay sa puwesto na hindi naman talaga niya pinaghirapan o kaya’y hindi siya karapat-dapat para dito at ginamitan lamang niya ng impluwensiya ay kadalasang nagiging tampulan ng usap-usapan sa loob ng kanilang tanggapan? Hindi ba’t siya ay nagiging “pulutan” sa kuwentuhan ng mga “Maritess” sa loob ng kanilang opisina? Ang paggamit ba niya ng impluwensiya para makamit ang isang bagay ay nakabuti ba o nakasama para sa kaniya?
Nagkaroon ng pagdududa ang nga taong nakapaligid sa kaniya sa totoong kakayahan nito kung karapat-dapat ba talaga siya sa puwestong hinahawakan niya. Lumikha ng agam-agam ang “instant” at mabilisang pamamaraang kinasangkapan niya upang umukilkil sa utak ng mga taong nakapaligid sa kaniya kung “deserve” ba nito ang maluklok sa posisyong hiningi nito sa kanilang opisina.
Minsan, sa kaso naman ng ilang estudyante. Nais nilang pumasa pero ayaw naman nilang maghirap, magsakripisyo at mag-exert ng effort. Kaya ang gagawin nila ay gagawa sila ng kodiko, mangongopya sa kanilang katabing mag-aaral o kaya naman ay sisikaping makakuha ng “leak” kung ano ang magiging coverage ng kanilang teacher sa examination.
Sa madaling salita, gusto nilang maging madali ang isang bagay sapagkat ayaw nilang mahirapan at magsakripisyo. Hindi na baleng mandaya. Huwag lamang silang mahirapan. Mas gusto pa nila ang short-cut pero magdudulot naman ng negatibong epekto sa kanilang pagkatao.
Nais nilang makamit ang isang bagay sa pamamagitan ng “instant”. Ang pagiging “tamad” ba ay kahanga-hanga sa paningin ng Diyos?
Maging sa ating buhay pananampalataya. Kung nais natin makamit ang mga pagpapala at biyaya ng Diyos. Kailangan nating ipakita na tayo ay karapat-dapat para dito.
Kung nais natin matamo ang buhay na walang hanggang o nais nating makapiling siya sa kaniyang Kaharian. Kinakailangan natin sikapin na mamuhay ng naaayon sa kaniyang kalooban. Sapagkat hinding-hindi ibibigay ng Panginoon ang mga pagpapala at ang buhay na walang hanggan kung hindi tayo karapat-dapat o hindi natin “deserve”. Ang sabi nga. “Do your best and God will do the rest”. “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa”. Tulungan mo muna ang iyong sarili kung nais mong tulungan ka ng Diyos.
Kaya ito ang mensahe at aral na itinuturo sa atin ngayon ng Ebanghelyo. Ang ipakita natin na tayo ay karapat-dapat sa mga bagay na hinahangad natin dito sa ibabaw ng mundo. Ito man ay maging posisyon sa loob ng isang opisina, pagpasa sa isang examination at maging sa ating pananampalataya. Kinakailangan natin itong paghirapan, pagsikapan at mag-exert ng ating effort upang masabi na “deserve” natin ang karangalang nakamit natin at hindi natin ito ginamitan ng impluwensiya, paggamit ng padrino at sa pamamagitan ng pandaraya.
Para tayo ay maging karapat-dapat sa isang bagay na inaasam natin. Itinuturo din ng Pagbasa na kinakailangan din na maipakita natin ang isang halimbawa o mag-set ng example para makita na tunay ngang karapat-dapat tayo para dito. Sapagkat ang isang responsibilidad ay kinakailangan ng gawa at hindi lamang sa salita o puro dada.
Dahil sinabi mismo ni Hesus sa Pagbasa na ang sinoman sa kanila na nais maging dakila ay dapat maging lingkod ng lahat. At ang sinoman na nagnanais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. (Marcos 10:43-45) Samakatuwid, ang isang paglilingkod, pagiging pinuno at pagkakaluklok sa tugatog ng tagumpay ay kailangang may kaakibat na sakripisyo, paglilingkod at pagmamalasakit sa kapwa.
Ito ang hamon sa atin ng Ebanghelyo. Kaya ba natin, magsakripisyo, mag-exert ng effort at maglingkod upang maipakita natin na karapat-dapat tayo sa isang bagay na hinahangad natin sa buhay o gagayahin na lamang ba natin ang magkapatid na Santiago at Juan na ang nais ay makuha ang kanilang inaasam sa madaliang pamamaraan?
AMEN