bro marianito

Ang pagkakaloob sa Diyos na may kalakip na pag-ibig at sakripisyo ang totoong pagbibigay (Marcos 12:41-44)

665 Views

“Sapagkat ang lahat ay nagkaloob ng bahagi lamang ng kanilang kayamanan. Ngunit ang ibinigay ng biyudang iyon, bagama’t siya’y mahirap ay ang buo niyang ikinabubuhay”. (Marcos 12:44)

KAPAG tayo ay nagbibigay sa isang tao. Hindi natin ito itinuturing na isang payak o ordinaryong pagbibigay lamang kundi isang pagbibigay na mayroong kalakip na pag-ibig sa taong pinagbibigyan natin.

Sapagkat gusto natin iparamdam duon sa taong binigyan natin na siya’y ating tunay na mina-mahal o iniibig. Kaya maliit man o malaki ang ating naibigay. Ito’y kaniyang pinapa-halagahan, dahil wala naman iyan sa laki at presyo ng ibinigay natin. Kundi nasa sinseridad natin at higit sa lahat ito’y nagmumula sa ating puso.

Halimbawa, alin ba ang mas mahalagang maibigay natin sa ating minamahal o iniibig? Ang mga material na bagay ba o ang ating paglalaan ng panahon at oras para sa kaniya? Ano sa palagay niyo ang mas pahahalagahan niya? Material na bagay lamang ba ang importante sa mundong ito?

Sa ating Mabuting Balita (Marcos 12:41-44) itinuturo sa atin ang tunay na esensiya o essence ng pagbibigay o pagkakaloob partikular na kung ang pagkakaloob na ito ay para sa Panginoong Diyos mismo. Paano ba tayo nagbibigay ng mga bagay para sa Diyos? Ito ba’y nagmumula sa ating puso?

Matutunghayan natin sa Pagbasa kung papaano inobserbahan ni Jesus ang mga naghahandog ng salapi sa tempo habang siya’y nakaupo. Kung saan, napansin niya na maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. Habang isang biyuda naman ang lumapit at naghulog ng tig-sisingkuwenta sentimo. (Mk. 12:41-42)

Para kay Jesus, ang inihandog ng balong babae ang nakahihigit sa lahat. Sapagkat ang lahat ng mayayaman ay nagkaloob o naghulog lamang ng bahagi ng kanilang yaman. Samantalang ibinigay naman ng biyudang babae bagama’t siya’y naghihikahos, ipinagkaloob naman niya ang buo niyang ikabubuhay. (Mk. 12:43-44)

Ang ibinigay o inihulog ng mga mayayaman ay yung mga perang hindi na nila kailangan. Magbigay man sila ng malaki ay hindi ito magiging mabigat para sa kanila dahil marami pang salapi ang natitira para sa kanila. Sa madaling salita, hindi sila mapipilayan maghulog man sila ng napakaraming pera sa templo.

Ano ba ang tunay na kahulugan ng pagbibigay o pagkakaloob para sa atin? May mga tao na kaya lamang nagbibigay ay dahil para magpasikat na sila ay matulungin sa mga tao. Pero kung susuriin mo naman ang kanilang ibinigay, para lamang masabi na nagbigay sila kahit hindi na pakikinabangan. Kaya, ano ba talaga ang totoong kahulugan ng pagkakaloob?

Naaalala ko nuong araw, may isang kilalang tao ang nagbigay sa grupo namin ng mga imported na biscuit yung Chips Ahoy. Pero makalipas ang ilang araw nang ito’y kakainin ko na. Duon ko lang natuklasan na ilang araw na pala itong expired pagkatapos kong mabasa ang expiration date nito.

Ang pagbibigay o pagkakaloob natin sa isang tao maliit man o malaki ang bagay na ito. Ito’y nagiging napaka-halaga o valuable sapagkat ibinigay o ipinagkaloob natin ito ng may kalapip na pag-ibig. Ibinibigay natin ito dahil nais natin iparamdam sa kaniya ang ating pag-ibig hindi dahil gusto lang natin magbigay.

Nagbibigay o nagkakaloob din tayo na mayroong kalakip na sakripisyo. Ibinibigay natin ang isang bagay sa taong minamahal o iniibig natin kahit pa maapektuhan ang ating oras, panahon at maging ang sarili natin o kahit tayo ay mahirapan. Dahil ganoon natin ka-mahal ang taong ito.

Maging ang Panginoong Diyos mismo ay nagbigay sa atin ng may pag-ibig at sakripisyo. Hindi ba’t iyan ang mababasa natin sa Sulat ni San Juan: “Sapagkat gayun na lamang ang PAG-IBIG ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya’t IBINIGAY niya ang kaniyang kaisa-isang anak upang ang sinomang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan”. (Juan 3:16)

Kung ang ating pagbibigay ay walang kalakip o kasamang pag-ibig at sakripisyo. Ang ating pagbibigay o pagkakaloob ay maaaring masabi na walang sinseridad sapagkat nagbibigay lamang tayo subalit hindi naman ito nagmumula sa ating puso. Gaya ng natunghayan natin sa mga mayayaman sa Ebanghelyo.

Habang ang babaeng balo naman ay totoong nagbigay ng isang bagay na nagmumula sa kaibuturan ng kaniyang puso. Dahil isinakripisyo niya ang kaniyang kaniyang kabuhayan alang-alang sa Panginoong Diyos. Ibinigay niya ang kaniyang natitirang pera dahil nagtitiwala siya sa Diyos na hindi siya pababayaan nito.

Sa ating personal na buhay, ibinibigay din ba natin sa Diyos ang ating buong panahon at oras para sa kaniya katulad ng babaeng balo? O katulad lamang tayo ng mga mayayaman na naglalaan lamang tayo ng ating oras at panahon sa Diyos dahil ito ang ating libreng oras?

Minsan, mas marami pa ang oras natin sa pagbababad sa Social Media kaysa sa tayo’y magsimba o magdasal. Mas mahaba pa ang ating oras at halos inuubos natin ang ating buong araw sa panonood sa YouTube ng mga palabas na hindi naman natin kapupulutan ng magagandang aral.

Kapag araw ng Linggo, mas punong-puno pa ang mga shopping mall kumpara sa mga Simbahan. Hindi ko naman sinasabi na ganito kasama ang mga tao, kundi mas napaglalaanan pa natin ng panahon ang mga luho at layaw kaysa sa paigtingin natin ang ating relasyon sa Panginoong Diyos.

Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo ngayon ang pagbibigay o pagkakaloob ng may pag-ibig at sakripisyo. Hindi lamang ito kuwento tungkol sa pagkakaloob ng mga mayayaman at babaeng balo. Kundi hinahamon tayo na kung kaya ba natin magbigay sa Diyos ng may pag-ibig at sakripisyo?

Kaya ba natin isakripisyo ang ating mga gadgets para maglaan lang ng sandaling oras para magdasal? Kaya ba natin magtiis at mag-sakripisyo kahit isang oras lang para dumalo sa Misa bago tayo magpunta sa Mall? Kaya ba natin itong gawin para ipakita ang ating PAG-IBIG sa Panginoong Diyos?

Kaya ba natin itong gawin?

AMEN