Calendar
Anong dahilan ng Senate impeachment court para ibasura impeachment case vs VP Sara?
NAGBABALA ang mga lider ng Kamara na hindi maaaring basta na lamang ibasura ng Senate impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte nang walang paglilitis gaya ng nakasaad sa Konstitusyon.
Binibigyang-diin ni House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na ang verified complaint na inihain laban kay Duterte ay naglalaman ng mga seryosong paratang na malalaman kung totoo o hindi sa isasagawang paglilitis.
Sinabi ni Adiong na may konstitusyonal na tungkulin ang mga senador na ituloy ang paglilitis at mula rito sila ay magdedesisyon kung guilty o hindi ang nasasakdal.
“It’s either you convict or you acquit. Wala naman pong problema kung ang mga senador ay mag-a-acquit or mag-co-convict,” ani Adiong, binigyang-diin na parehong konstitusyonal ang dalawang kinalabasan ngunit dapat dumaan sa due process.
Malakas ang naging reaksiyon ni Adiong nang tanungin ukol sa posibilidad na ibasura ng Senado ang Articles of Impeachment kahit wala pang paglilitis.
“It’s not the question of can they do it. It’s a question of why should they do it. Tama ba na i-junk itong impeachment? Verified impeachment na complain na ito na ang pinag-uusapan dito ay pera ng taong-bayan. Mga allegations that constitute high crimes tantamount to betrayal of public trust, among others, laid down in the Constitution,” giit niya.
“The public deserves to know the truth. The public deserves to know kung saan napunta ‘yung kanilang pera. And the only way for us to find out and to also, at the same time, give due process to the defendant is by holding the impeachment process and to continue on with the impeachment trial,” dagdag pa niya.
Ang pahayag ay kasunod ng posibilidad na binanggit ni Senate President Chiz Escudero na maaaring i-dismiss ng Senado, na uupong impeachment court, ang kaso sa pamamagitan ng majority vote.
Nagpahayag ng pangamba ang mga lider ng Kamara sa naturang posibilidad at iginiit na obligasyong konstitusyonal ang ituloy ang paglilitis.
Kinuwestiyon din ni House Assistant Majority Leader at Manila Rep. Ernesto “Ernix” Dionisio Jr. ang legal na basehan ng anumang mosyon na ibasura ang kaso nang walang buong pagdinig.
“I don’t see any reason why. The Constitution specifically says to try and decide,” aniya.
Nagbabala rin si Dionisio na ang ganitong mga hakbang ay maaaring makasira sa inaasahang impartiality ng mga senador-judges.
Binigyang-diin din ni Adiong na karapat-dapat malaman ng mamamayang Pilipino ang katotohanan sa mga paratang, partikular sa ginastos ni Vice President Duterte na P125 milyon na confidential fund sa loob lamang ng 11 araw noong 2022.
“The public, the Filipino people deserve to know what happened with the P125 million allegedly spent in just 11 days. These are serious allegations,” aniya.
Dagdag pa niya na ang mga verified impeachment complaint ay hindi basta “mere scrap of paper” at hindi dapat basta-bastang ibasura nang hindi naririnig ang ebidensiya.
“So kung ‘yung tanong nila na baka ma-junk, I think the public should ask and the question that must be answered is dapat ba talaga?” sabi ni Adiong.
Sumuporta si Dionisio sa pananaw na ito, at sinabing sinumang senador na nagtutulak ng dismissal nang walang ebidensiya ay nilalabag ang kanilang tungkuling konstitusyonal.
“Each senator should act impartial whether or not they are in favor of the accused or not. You should do your part in your job as a Senate judge,” aniya.
Inamin ni Adiong na may ilang senador na maaaring may desisyon na, ngunit iginiit niya ang kahalagahan ng pagtuloy sa proseso.
“I admit that there are senators who have already pre-judged the outcome… but allow the process to proceed, because that’s what the Constitution says,” dagdag niya.
Tinukoy rin ni Adiong ang gabay ng Korte Suprema sa impeachment kay dating Chief Justice Renato Corona noong 2012, kung saan sinabi na kapag nag-convene na ang Senado, obligasyon nitong ituloy ang paglilitis.
“It’s not even an option for the Senate… it’s their obligation,” aniya. (END)

