Calendar
Gobyerno hinikayat publiko i-record, i-upload video ng pang-aabuso sa kalsada
BILANG hakbang para isulong ang pananagutan, hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang publiko na gamitin ang mga social media platform upang iulat ang anumang pang-aabuso sa kalsada na kanilang nasaksihan.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, iniutos ng Pangulo sa ahensya na gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang muling gawing ligtas ang mga kalsada para sa publiko.
“Gusto din nating sabihin sa lahat ng ating mga kababayan na sinabi na rin ng ating Pangulo na lahat ng mga kababayan natin ay ini-encourage nating mag-upload ng mga video ‘pag mayroon silang nakikitang abuso,” pahayag ni Dizon sa isang press briefing sa Malacañang nitong Huwebes sa pamamagitan ng video call.
“At ‘pag ito ay na-validate ng DOTr ay sigurado pong aaksiyunan natin nang mabilis laban doon sa mga nang-abuso,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Dizon ang isang viral na video kamakailan na nagpapakita ng anim na bus na mabilis na tumatakbo sa isang pambansang kalsada sa Cagayan, kung saan tila nag-uunahan ang mga tsuper.

