Calendar

Anti-Fake News and Disinformation Bill isinulong sa Kamara
INIHAIN ni reelected Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez ang isang panukalang batas na layong gawing krimen ang paggawa at pagpapakalat ng fake news, lalo na kung ang maling impormasyon ay nakakaapekto sa public order at national security.
Sa inihaing House Bill (HB) No. 11506, sinabi ni Rodriguez na ang karapatang magsalita, magpahayag at kalayaan ng pamamahayag na ginagarantiyahan sa ilalim ng Seksyon 4, Article III ng Konstitusyon ay isang haligi ng demokratikong pamahalaan.
Pero hindi umano ito absolute ayon sa desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Chavez v. Gonzales (2008), ani Rodriguez.
Ayon kay Rodriguez, naging malaking banta ang pagkalat ng fake news sa mga nagdaang taon—lalo na sa pamamagitan ng mga digital platform at artificial intelligence—sa tiwala ng publiko, mga demokratikong institusyon at pambansang katatagan.
Sinabi pa ng dating law dean na hindi sapat ang kasalukuyang mga batas, kabilang na ang Revised Penal Code at Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act, upang tugunan ang mga disinformation campaign.
“These falsehoods, often disseminated at scale through social media or synthetic content like deepfakes, have the power to incite confusion, manipulate public perception, and provoke civil disorder,” paliwanag pa ni Rodriguez.
Dagdag pa niya, layunin ng kanyang panukala na parusahan ang sinumang sadyang gumagawa at nagpapakalat ng maling impormasyon na kunwari’y totoo, lalo na kung ito ay nakalilito, nakakasira o maaaring magdulot ng problema sa publiko.
“ln doing so, the measure aims to protect public order and national security from destabilizing content designed to mislead, manipulate, or incite. lt is carefully crafted to withstand constitutional scrutiny by defining fake news narrowly and precisely, requiring proof of both malicious intent and actual or probable public harm,” ayon kay Rodriguez.
Paliwanag niya, hindi saklaw ng panukalang batas ang satire, parody, personal na opinyon, tapat na pagkakamali at mga ulat na isinulat nang may mabuting hangarin, upang hindi maapektuhan ang lehitimong pamamahayag.
Binigyang-diin ng mambabatas na may nakalaang judicial safeguards, gaya ng access sa legal remedies at appellate review, sa pagpapatupad ng batas upang maiwasan ang anumang pang-aabuso.
“By striking a balance between protecting freedom of expression and addressing the dangerous consequences of intentional disinformation, this measure affirms the values of both liberty and responsibility in a modern, democratic society. ln view of the foregoing, the immediate passage of this bill is respectfully urged,” giit pa ng mambabatas.
Ang HB No. 11506 ay pinamagatang: “An Act penalizing the malicious and deliberate dissemination of false information that undermines public order or national security, strengthening regulations on fake news through digital platforms, and for other purposes.”
Itinatakda nito ang mga sumusunod na kahulugan:
A. Fake News – Tumutukoy sa maling o mapanlinlang na impormasyon na ipinapakita bilang katotohanan o balita, na sinasadyang ipakalat upang linlangin ang publiko, maaaring magdulot ng kalituhan, mag-udyok ng galit o karahasan, o sumira sa kaayusang pampubliko.
B. Disinformation – Maling impormasyong sinadyang ikalat upang manlinlang, manipulahin o impluwensiyahan ang pananaw, kilos o polisiya ng publiko.
C. Social Media Platforms – Mga website, mobile app o iba pang digital system na nagpapahintulot sa mga user na lumikha, magbahagi o magpalaganap ng content, gaya ng Facebook, YouTube, TikTok, Instagram, X (dating Twitter) at iba pa.
D. Cyber-Enabled Dissemination – Ang paggamit ng teknolohiyang konektado sa internet at mga plataporma upang gawin ang mga ipinagbabawal na gawain sa ilalim ng batas na ito, kabilang ang paggamit ng bots, trolls o mga coordinated inauthentic behavior.
E. Malicious Intent – Sinasadyang pagpapalaganap ng hindi totoo na may layuning magdulot ng pinsala, takot, galit, karahasan o masira ang tiwala ng publiko sa mga institusyon.
Ipinagbabawal naman ng panukala ang mga sumusunod:
A. Sinasadyang paglalathala o pagpapalaganap ng fake news o disinformation sa alinmang uri ng media, kabilang ang print, broadcast, digital at social media;
B. Paglikha, pagpapatakbo o pagpopondo ng troll farms, bot networks o coordinated campaigns na layong ikalat ang fake news;
C. Pagpapalaganap ng fake news o disinformation na naghihikayat ng karahasan, nagsusulong ng hate speech, sumisira sa demokratikong institusyon, o maaaring magdulot ng panic o kaguluhan sa publiko;
D. Pagpapahintulot o pagpapagamit ng social media platforms o accounts upang paulit-ulit at sistematikong isagawa ang mga nabanggit na gawain.
Ang sinumang mapatunayang lumabag sa alinman sa mga probisyon ng batas ay maaaring makulong ng anim hanggang 12 taon at magmulta ng P500,000 hanggang P2 milyon.
Iminumungkahi rin ng panukala ang paglikha ng isang joint congressional oversight committee na binubuo ng mga kinatawan mula sa civil society at mga organisasyon ng media upang subaybayan ang pagpapatupad ng batas.