Magsino

Apela ng OFW Party List sa DBCC: Gov’t funding para sa mga PH manggagawa

Mar Rodriguez Mar 1, 2023
302 Views

UMAAPELA ngayon ang Overseas Filipino Workers Party List Group sa mga member-agencies ng Development Budget Coordinating Council (DBCC) upang mai-prioritize ang “government funding” para sa mga Pilipinong manggagawa na nagta-trabaho sa iba’t-ibang bansa o mas kilala bilang mga OFW’s.

Sa isinagawang briefing ng DBCC sa Kongreso, binigyang diin ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino sa mga dumalong “economic managers” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na malaking ang ambag na naibibigay ng mga OFW remittance sa ekonomiya ng Pilipinas.

Sinabi ni Magsino na noong taong 2021 ay nagkaroon ng remittance ang mga OFW’s ng tinatayang $34.884 billion na nakadagdag naman sa Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas ng 8.9% na nakatulong ng malaki para sa bansa sa gitna ng pananalanta ng COVID-19 pandemic.

Ipinaliwanag ng kongresista na ang mga OFW’s ang maituturing na pangunahing “source of national income” ng ekonomiya ng Pilipinas. Kung kaya’t nararapat lamang aniya na masuklian ng pamahalaan ang kanilang napakalaking kontribusyon sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng karampatang benepisyo.

“Data shows the economic importance of our OFW’s as the sector is considered as one of the biggest sources of national income in the Philippines. In return, we must accord them the protection and care they deserve by channeling our budget into socio-economic wellbeing of our OFW’s,” paliwanag ni Magsino.

Kinilala naman ni Department of Finance (DOF) Sec. Benjamin Diokno ang malaking kontrisbusyon na naibibigay ng mga OFW’s sa ekonomiya ng bansa. Matapos nitong ipahayag sa DBCC na noong 2022 ay umabot ang kanilang remittance ng P32.6 billion o katumbas ng pagtaas ng 3.6%.

Dahil dito, sinabi pa ni Magsino na maging ang mga “economic experts” ay sumasang-ayon din na malaki ang nai-aambag at naitutulong ng mga OFW remittances sa ekonomiya ng Pilipinas. Kaya dapat lamang na gawing prayoridad ang paglalaan ng pondo para sa Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).