Calendar
SOURCE: ICC FB
Apela ni Duterte para sa pansamantalang paglaya tinanggihan ng ICC


TINANGGIHAN ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) ang apela ng kampo ng dating pangulong Rodrigo Duterte na humihiling ng kanyang pansamantalang paglaya mula sa detensyon.
Pinagtibay ng appellate court ang desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber I noong Enero 26 na ipagpatuloy ang pagkakakulong ng dating pangulo sa ICC Detention Center sa Netherlands dahil sa pangambang maaari siyang tumakas.
“Ang mga hukom ng Appeals Chamber ay nagkakaisang nagkumpirma sa desisyon ng Pre-Trial Chamber I na manatiling nakakulong si G. Duterte,” sinabi ni ICC spokesperson Oriane Maillet noong Biyernes ng gabi.
“Tinanggihan o ibinasura ng Appeals Chamber ang lahat ng argumento ng depensa at tuluyang tinanggihan ang kanilang batayan ng apela.”
Nauna nang naghain ang depensa ng isang batayan ng apela at iginiit na nagkamali sa katotohanan at batas ang Pre-Trial Chamber I, at inabuso nito ang kapangyarihan nito nang balewalain ang ulat tungkol sa kalagayan ng kalusugan ni Duterte na kanilang isinumite, dahil umano ito ay nagmula sa isang partido sa kaso.
Ayon sa Appeals Chamber, ang ulat ng depensa ay walang bagong impormasyon tungkol sa kalagayan ng kalusugan ni Duterte, dahil ang dalawang medical practitioner na kanilang pinili ay hindi nagsagawa ng bagong pagsusuri sa kanya.
Binanggit din ng Appeals Chamber na ang pagsusuri sa mga risk factor—kabilang ang epekto ng kalusugan ni Duterte sa mga panganib na ito—ay isang legal na pagpapasya na dapat gawin ng Pre-Trial Chamber at hindi nangangailangan ng tulong mula sa mga medical practitioner. Philippine News Agency

