Bam

Aquino hinimok DepEd na linawin ang tunay na bilang ng mga mag-aaral na may special needs

112 Views

HINIMOK ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino ang Department of Education (DepEd) na linawin ang tunay na bilang ng mga mag-aaral na may special needs.

Malayo kasi ang tala ng kagawaran sa mas malaking pagtataya ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2).

Batay sa ulat ng EDCOM 2 na binanggit ni Aquino, nasa limang milyon ang mga mag-aaral na nangangailangan ng special needs education. Katumbas ito ng humigit-kumulang 20 porsiyento ng 23 milyong mag-aaral sa bansa.

Sa tala naman ng DepEd, nasa 495,000 lamang sila, o halos dalawang porsiyento. Ayon pa sa kagawaran, 150,000 lamang sa kanila ang may medical diagnosis.

Inilatag ito ni Aquino habang pinangungunahan ang briefing ng Senate Finance Subcommittee B sa panukalang 2027 budget ng DepEd. Siya rin ang chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

“If you can help us understand, ilan ba talaga iyong mga bata na nangangailangan ng special care and special education? That will be a very important starting point kasi from there, pwede natin ma-track iyong pangangailangan nila across the system,” wika ni Aquino.

“Kung ganun po kalaki iyong dami ng mga bata na nangangailangan ng special needs education, then correspondingly, you should have facilities and support also at that scale,” dagdag niya.

Binanggit din ni Aquino ang kakulangan sa guro. Aniya, kung susundin ang iminumungkahing ideal ratio na isang guro sa bawat limang mag-aaral, maaaring kailanganin ang humigit-kumulang 80,000 guro para sa tinatayang 400,000 mag-aaral na pinaghihinalaang may special needs.

“We really have to push it. Ang mga special needs ng mga kabataan, kailangan talaga ng espesyal na tulong, and we need to provide more resources for them,” iginiit niya.

Nanawagan din siya ng mas mahigpit na ugnayan ng mga ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang PhilHealth. Layon nitong mapalawak ang access ng mga mag-aaral na may kapansanan sa diagnostic at support services, at mahikayat ang mas maraming propesyonal na pumasok sa larangang ito.

Hiniling din ni Aquino sa EDCOM 2 na magsagawa ng mas malalimang pagsusuri sa special needs education, kabilang ang datos ng mga mag-aaral at ang mga guro at espesyalistang inihahanda para rito. Gagawin ito katuwang ang DepEd, ang Commission on Higher Education (CHED) at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).