Bitrics

Prosecutor sa VP Sara lawyers: Sagutin ‘nyo alegasyon sa Bise Prsidente

Mar Rodriguez Oct 20, 2026
70 Views

HINAMON ni House lead prosecutor Rep. Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang mga abogado ni Vice President Sara Duterte na sagutin sa publiko ang mga alegasyong nakapaloob sa tatlong binawing artikulo ng impeachment, katulad ng paulit-ulit na ginagawa ng Bise Presidente sa pamamagitan ng mga press conference.

Maaring gumamit ang kampo ni Duterte ng iba pang plataporma upang maipahayag ang kanilang panig hinggil sa mga alegasyong iniuugnay sa tatlong binawing artikulo.

“Maaaring isaalang-alang nila ang iba pang plataporma, gaya ng ginagawa ng kanilang kliyente mula pa noong 2024,” ani Luistro.

Binigyang-diin din ng solon na hindi humarap si Duterte sa House of Representatives at sa House Committee on Justice, gayundin sa paglilitis sa Senado, ngunit patuloy naman itong nagsasagawa ng mga press conference upang magpahayag ng kaniyang panig tungkol sa mga nagaganap na paglilitis at proseso ng impeachment.

Naglabas ng pahayag si Luistro sa gitna ng mga pangambang maaaring mawalan ng pagkakataon ang publiko na marinig ang depensa ni Duterte laban sa mga alegasyong nakapaloob sa tatlong binawing artikulo ng impeachment.

Kabilang sa mga usaping ito ang paggamit ng confidential funds, umano’y matitinding pagbabanta at panunuhol.

Ayon kay Luistro, maaari nang talakayin ng kampo ng Bise Presidente ang mga alegasyong ito sa iba pang plataporma ngayong inalis na ng Senate impeachment court ang mga restriksiyon sa pampublikong pagtalakay sa mga binawing artikulo, alinsunod sa mga naaangkop na tuntunin.

Ang “sub judice rule” ay naglilimita sa pampublikong pagtalakay sa mga usaping kasalukuyang dinidinig ng hukuman upang mapangalagaan ang integridad ng mga paglilitis.

Nauna nang iminungkahi ni Luistro ang hakbang na ito sa pahayag ng prosekusyon noong huling araw ng kanilang paglalahad ng ebidensiya.

Ayon sa kaniya, kung ang pangunahing ikinababahala ng kampo ni Duterte ay ang pagkakataon ng sambayanang Pilipino na makita ang mga ebidensiyang iniharap ng prosekusyon kaugnay ng tatlong artikulo, maaari namang gamitin ng depensa ang ibang mga plataporma upang sagutin ang mga ito.

Nauna nang binawi ng House prosecution panel ang tatlong artikulo ng impeachment upang paikliin ang proseso ng paglilitis at makapagtuon sa Artikulo II, ang natitirang sakdal na may kaugnayan sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.

Natapos na ng prosekusyon ang paglalahad ng kanilang mga ebidensiya, kabilang ang mga rekord sa bangko, buwis, insurance at mga korporasyon, gayundin ang testimonya ng forensic accounting expert na si Alexander Cabrera.

Sa kaniyang testimonya, tinukoy ni Cabrera ang halos P818 milyong umano’y hindi maipaliwanag na yaman** na may kaugnayan kay Duterte at sa kaniyang asawang si abogado Manases “Mans” Carpio, mula 2022 hanggang 2025.