Calendar
Aquino iginiit sa CHED na ilabas P25K grant para sa 19K health students
TINANGGAP ni Sen. Bam Aquino ang pangako ng Commission on Higher Education noong Biyernes na ilabas simula unang linggo ng Oktubre ang P25,000 na tulong pinansyal para sa 19,000 mag-aaral ng nursing at allied health.
Hiningi ni Aquino kay CHED Chairperson Shirley Agrupis ang tiyak na petsa ng pamamahagi para sa Allied Health Experiential Assistance for Deserving Students grant.
Pinondohan ang programa ng P500 milyon na isiningit ni Aquino sa 2026 national budget.
Iginiit ni Aquino na nawawalan ng saysay ang libreng matrikula kung napipilitang tumigil ang mga estudyante dahil hindi kayang bayaran ng kanilang pamilya ang pamasahe, pagkain at related learning experience fees.
“Kapag nakapasok ang isang estudyante sa kolehiyo, may sapat na ba siyang suporta para makapag-tapos?” tanong ng senador.
Kinumpirma ni Agrupis na natanggap ng CHED ang Special Allotment Release Order noong Setyembre 9 at hinihintay na lamang ang Notice of Cash Allocation.
Nangako si Agrupis na ipapamahagi ang pondo ng baha-bahagi mula Oktubre hanggang Nobyembre.
Nakatanggap ang ahensya ng 60,424 aplikasyon. Bagamat 28,071 ang pumasa sa mga kwalipikasyon, aabot lamang sa 19,000 slots ang kayang saklawin ng badyet.
Upang punan ang kakulangan, itinampok ni Aquino ang Republic Act No. 12325 na nilagdaan noong Setyembre 4.
Pinalawak ng nasabing batas ang Tertiary Education Subsidy upang opisyal na sagutin ang mga bayarin sa RLE at internship.

