Calendar
Kiko sa pardon kay Mary Jane Veloso: Singilin mga illegal recruiter, trafficker
HINIMOK ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan nitong Biyernes ang gobyerno na habulin ang mga illegal recruiter, human trafficker at drug syndicate na bumibiktima sa mga OFW.
Ginawa niya ito kasabay ng pagtanggap sa absolute pardon na iginawad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Mary Jane Veloso.
“Habang ipinagdiriwang natin ang kalayaan ni Mary Jane, tuloy-tuloy nating singilin ang mga illegal recruiter, human trafficker, at drug syndicate na sinasamantala ang pangarap at kahinaan ng ating mga kababayang OFW,” ani Pangilinan.
“Kinalulugod natin ang paggawad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng absolute pardon kay Mary Jane Veloso,” dagdag niya.
Ayon sa senador, magkakaroon na ng pagkakataon si Veloso at ang kanyang pamilya na mabawi ang panahong nawala sa halos 16 na taong pagsubok.
“Matapos ang mahabang pagkakahiwalay, unti-unti nang mabibigyan ng pagkakataon si Mary Jane at ang kanyang pamilya na mabawi ang panahong nawala sa kanila — at muling simulan ang buhay na matagal nilang ipinagdasal,” aniya.
Batay sa mga ulat, personal na iniabot ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio Catapang Jr. kay Veloso ang dokumento ng pardon noong Biyernes, at pinalaya siya mula sa Correctional Institution for Women. Ire-refer daw siya sa lokal na pamahalaan sa Nueva Ecija para sa tulong sa kabuhayan, counseling at pagsasanay.
Inaresto si Veloso sa paliparan ng Yogyakarta, Indonesia noong Abril 25, 2010 matapos makitaan ng humigit-kumulang 2.6 kilo ng heroin sa kanyang maleta. Iginiit niyang hindi niya alam na may droga roon. Nahatulan siya ng drug trafficking at sinentensyahan ng kamatayan sa parehong taon.
Nahinto ang kanyang pagbitay sa huling sandali noong Abril 2015. Sumuko kasi sa mga awtoridad sa Pilipinas ang kanyang mga umano’y recruiter, at ipinaalam ng Maynila sa Jakarta na mahalaga ang testimonya ni Veloso sa kaso laban sa kanila.
Matapos ang mahabang negosasyon, inilipat siya sa Pilipinas noong Disyembre 2024 at ikinulong sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong. Noong Hunyo 2026, tumestigo siya sa kaso laban sa mga taong inakusahan niyang nag-recruit at nag-traffic sa kanya.
Ayon kay Pangilinan, ipinapakita ng kaso ni Veloso ang panganib na hinaharap ng mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.
“Tulad ni Mary Jane, maraming OFW ang nangingibang-bansa para sa kanilang pamilya. Umaalis para mapag-aral ang mga anak, masuportahan ang pamilya, at magkaroon ng marangal na trabaho,” aniya

