Botika

Botika ng Barangay sa bawat brgy sa PH isinusulong

Mar Rodriguez Sep 26, 2026
152 Views

ISINUSULONG ng United Senior Citizens Partylist ang pagtatayo ng Botika ng Barangay (BnB) sa bawat barangay partikular sa mga liblib na lugar na limitado ang access sa mga malalaking botika.

Ayon kay Miko Magsaysay, spokesperson at chairman ng United Senior Citizens Partylist, malaking hakbang ang pagkakaroon ng BnB upang mas mapalapit sa mga residente ang mga pangunahing gamot.

Sinabi ni Magsaysay na bahagi ito ng hangarin ni Congresswoman Milagros Aquino Magsaysay na palawakin ang access ng mga Pilipino sa abot-kayang gamot at serbisyong pangkalusugan.

Layunin ng panukala na magkaroon ang bawat komunidad ng isang community-based drug outlet kung saan maaaring makabili ang mga residente ng piling gamot at low-cost generic medicines.

HIigit na makikinabang dito ang mga senior citizens, mahihirap na pamilya at mga residente sa mga liblib na lugar na kinakailangang bumiyahe pa ng malayo upang makabili ng kanilang mga pangunahing gamot.

Binigyang-diin ni Magsaysay na ang pagkakaroon ng abot-kaya at madaling ma-access na gamot ay mahalagang bahagi ng pangangalaga sa kalusugan ng mga Pilipino.

Sa ilalim ng konsepto ng BnB, maaaring gawing mas accessible sa mga komunidad ang piling gamot at generic medicines sa mas mababang halaga.

Iginiit ng United Senior Citizens Partylist na ang maayos na kalusugan ay karapatan ng bawat Pilipino kaya mahalagang patuloy na maghanap ng mga paraan upang mailapit ang gamot at serbisyong pangkalusugan sa mga nangangailangan.