Kiko

Kiko: Mapanganib na content higpitan, di buong platfrom

134 Views

MAAARING magsilbing gabay ng mga ahensiya ng gobyerno ang Sagip Bata Act na inaprubahan ng Senado, ayon kay Senador Francis “Kiko” Pangilinan nitong Huwebes.

Dapat daw tukuyin at higpitan lang ang mapanganib na content at account, hindi ang buong online platform.

Kasabay ito ng pag-aalis ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa ban sa messaging platform na Discord matapos makipag-usap sa pamunuan ng kompanya. Nakipag-ugnayan na rin ang CICC sa National Telecommunications Commission para maibalik ang access sa platform.

Dapat daw managot ang mga platform at kumilos nang mas mabilis kapag humiling ang gobyerno ng lehitimong takedown o ng pag-iingat ng ebidensiya, ani Pangilinan. Ganoon din daw kapag may reklamo tungkol sa kaligtasan ng bata.

Pero tinamaan daw ng ban ang mga Pilipinong freelancer na umaasa sa Discord sa kanilang trabaho.

“Pero hindi dapat maging blanket ban ang sagot. Dito sila sa Discord nakikipag-coordinate sa kliyente, sa team, at sa mga komunidad na nagbibigay sa kanila ng trabaho. Apektado rin ang gamers, students, developers, at iba pang legitimate communities na gumagamit ng platform,” ani Pangilinan.

“Dahil sa ban, tila pinag-1-2-3 go, pinag-kanya-kanya na ang mga Filipino freelancers na gumagamit ng platform sa kanilang kabuhayan,” dagdag niya.

Makitid lang daw ang puwedeng higpitan sa ilalim ng Sagip Bata. Tanging ang tiyak na content, account, channel, grupo, app o serbisyong napatunayang ginamit sa paglabag ang maaaring aksiyunan, at kailangang makatwiran at proporsiyonal ito. Puwede namang kumilos agad kapag may batang nasa napipintong panganib.

Ayon kay Pangilinan, ipinapakita ng panukala ang direksiyon ng Senado na protektahan nang husto ang mga bata. Pero dapat daw nakabatay sa ebidensiya, nakatutok, proporsiyonal at puwedeng repasuhin ang anumang interbensiyon.

“For the protection of children, we need strong action, but it must also be targeted and proportionate,” aniya.

Noong Setyembre 22, pinagbigyan lang ng CICC ng 24 oras ang Discord at Reddit para magkaroon ng presensiya sa bansa at magtalaga ng lokal na kinatawan. Kung hindi, maaari raw higpitan ang access sa kanila.

Kalaunan, nilinaw ng CICC na ang Reddit lang ang binigyan ng dagdag na panahon. Naharang ang Discord simula Miyerkoles ng gabi.

Nag-ugat ang kautusan sa pamamaril noong Setyembre 18 sa Banga National High School sa South Cotabato, kung saan tatlong estudyante ang nasawi, kabilang ang Grade 9 na estudyanteng namaril, ayon sa mga awtoridad. Kumilos daw ang CICC dahil sa mga ulat na nalantad ang suspek sa marahas na materyal online.

Pero ayon sa tanggapan ni Pangilinan, walang naisapublikong impormasyon na nasa Discord ang suspek, o may server, account o post sa platform na konektado sa pamamaril.

Paliwanag ni CICC Executive Director Renato Paraiso, layon ng ban na kontrahin ang nihilistic violent extremism at ipagtanggol ang mga menor de edad. Humingi rin ng paumanhin ang ahensiya sa mga user na naabala.

Ayon kay Department of Information and Communications Technology Secretary Henry Aguda, nangako ang Discord na hihigpitan ang proteksiyon para sa mga teenager na gumagamit nito. Susubaybayan naman daw ng CICC kung tutuparin ito ng kompanya.

Inaprubahan ng Senado noong Setyembre 21 sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 1819, o ang Safeguarding Against Grooming, Inducement and Predation, and Building Accountability for Technology-Facilitated Abuse or Exploitation (Sagip Bata) Act. Nakakuha ito ng 17 boto, walang tumutol at walang nag-abstain.

Si Senadora Risa Hontiveros ang may-akda at sponsor ng panukala. Papalitan nito ang Republic Act 11930, o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act.

Gagawin nitong krimen ang grooming, luring at sexual extortion sa mga bata, gayundin ang livestreamed na pang-aabuso at mga sekswal na larawan ng bata na nilikha gamit ang artificial intelligence.

Kailangang may legal representative sa bansa ang mga online platform at payment firm na mapagsisilbihan ng subpoena at takedown order. Kailangan ding suriin ng mga platform ang edad ng kanilang user. Madaragdagan naman ang kapangyarihan ng mga imbestigador laban sa nihilistic violent extremism.

Kailangan pa itong aprubahan ng Kamara at lagdaan ng Pangulo bago maging batas.