Calendar
Aquino ipinagmalaki pagtaas ng pondo para sa edukasyon, kalusugan
IPINAGMALAKI ni Senador Bam Aquino ang pagtaas ng pondo para sa edukasyón at kalusugan sa 2026 national budget matapos ilipat ng Senado ang halos ₱260 bilyon mula sa flood control projects. Gayunman, binalaan niya ang publiko na bantayang mabuti ang bicameral conference upang hindi mabawasan ang mga pondong ito.
“Masaya ako na ito ‘yung budget na may pinakamataas na budget ng edukasyón sa buong kasaysayan ng Pilipinas. This is really an education budget, not a flood control budget,” ani Aquino.
Ayon sa senador, ang mga pondong inalis sa flood control ay inilipat sa pagtatayo ng mga silid-aralan, feeding program, tertiary subsidy, at mga serbisyong pangkalusugan. “Most of our amendments are on education,” dagdag niya, na binanggit ang pagtaas mula ₱13 bilyon sa NEP tungong ₱65 bilyon sa bersyon ng Senado para sa classrooms, ₱27 bilyon para sa feeding, at ₱30 bilyon para sa scholarship.
“Kung tutuusin, ‘yung ₱260 bilyon na flood control ay tinanggal at nilipat sa edukasyón at kalusugan,” paliwanag niya.
Ngunit ayon kay Aquino, dapat magbantay ang publiko dahil may mga ulat na posibleng bawasan ang pondong ito sa bicameral deliberations. “Bantayan natin ‘yung bicam,” aniya. “Kapag may move o motion na ma-slash ang education budget, umalma kaagad tayo.”
Ibinunyag ng senador na may naririnig siyang mga plano na bawasan ang education budget upang pondohan ang ibang proyekto. “May naririnig kami na posibleng bawasan ang education budget dahil may gustong ibang pondohan,” aniya.
Sa caucus ng Senado, tinalakay ni Aquino ang usapin at tiniyak ng mga kasamahan — kabilang ang Senate President — na ipaglalaban nilang manatili ang pondo para sa edukasyón at kalusugan.
“The consensus was that we will hold firm with the education budget and even the health budget,” aniya.
Hinimok din niya ang taumbayan, midya, at mga organisasyon na subaybayan ang bicameral proceedings na inaasahang ila-livestream. “Incumbent ‘yan sa ating lahat na bantayan — hindi lang media, hindi lang mga politiko — kundi pati ang taumbayan,” diin ni Aquino.

