Sotto

Pangilinan, Sotto sanib-pwersa sa agarang pagbuo ng IPC

126 Views

KAPWA iginiit nina Senador Francis “Kiko” Pangilinan at Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang kahalagahan ng agarang pagbubuo ng Independent People’s Commission (IPC) upang siyasatin ang umano’y pinakamalaking iskandalo ng katiwalian sa mga proyektong imprastruktura sa bansa.

Sa deliberasyon ng Senate Bill No. 1512, parehong binigyang-diin ng dalawang senador na kailangang magkaroon ng isang malaya, pansamantalang komisyon na may sapat na kapangyarihan at suporta mula sa mamamayan upang papanagutin ang mga opisyal at kontratistang sangkot sa multibilyon-pisong flood control scam.

“The IPC is not forever,” ani Pangilinan. “We do not have the luxury of time. We want them to act immediately and thoroughly”.

Bilang may-akda ng panukala, tinanong ni Sotto kung paano masisiguro na hindi ito gagamitin sa pamumulitika. Tiniyak ni Pangilinan na may malinaw na depensa laban sa pang-aabuso sa pamamagitan ng komposisyon ng IPC: limang miyembro na binubuo ng mga eksperto mula sa law, auditing, engineering, at dalawang miyembro mula sa pribadong sektor.

Tinukoy din ni Pangilinan ang Section 16 ng panukala, na nag-uutos ng partisipasyon ng civil society, akademya, at mga faith-based institutions upang masiguro ang transparency at hindi pagiging politikal ng IPC.

“Kapag ang taumbayan ay direktang nakikilahok sa paghahanap ng katotohanan, nababawasan ang posibilidad ng pamumulitika. Transparency ang nagiging pananggalang,” paliwanag niya.

Nagbabala rin si Sotto sa posibilidad ng duplication ng tungkulin ng IPC sa Office of the Ombudsman at Department of Justice. Ayon kay Pangilinan, hindi ito overlap kundi “converging point” upang mapabuti ang ugnayan ng mga ahensyang nagpapatupad ng batas at nagsasampa ng kaso, lalo na sa teknikal na aspeto ng mga proyektong imprastruktura.

Ayon sa panukala, may kapangyarihan ang IPC na maglabas ng subpoena, mag-freeze ng assets, magrekomenda ng hold departure order, magsuspinde ng kontratista, magkansela ng lisensya, at magdeputize ng law enforcement agencies. Makikipagtulungan din ito sa mga espesyal na prosekusyon mula sa Ombudsman at DOJ.

Nakasaad sa Section 18 ang sunset clause na magtatakda ng pagtatapos ng mandato ng IPC sa Hunyo 30, 2028, maliban na lamang kung palalawigin sa pamamagitan ng bagong batas.

“This is the most serious corruption scandal in recent memory,” giit ni Pangilinan. “Gutom sa hustisya ang mamamayan. Kailangan nating kumilos nang mabilis at ibalik ang tiwala sa mga proyektong pampubliko”.