Aquino

Aquino, Lapid: Bigyan ng pagkakataon ang kabataan, political dynasties tapusin

176 Views

NAGKAISA sina Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino at Lito Lapid sa panawagang ipasa na ng Kongreso ang matagal nang nakabinbing Anti-Political Dynasty Law, sa layuning wakasan ang pamana ng kapangyarihan at bigyan ng pagkakataon ang mga kabataang Pilipino na makapasok sa politika.

Ayon kay Aquino, na muling naghain ng kanyang bersyon ng panukala, ang pagsuporta ng Malacañang ay nagbibigay ng bagong sigla para sa repormang matagal nang hinihintay. “Coming from yesterday’s pronouncements na suportado ito ng Malacañang, we’re hoping… na isulong ito, itulak ito at ipasa na ito,” aniya.

Para naman kay Lapid, hindi usapin ng apelyido kundi ng katarungan at pagkakataon ang panukalang ito. “I’m voting for that. We need to give young people a real shot at public service,” sabi ng senador. “Let’s give them a chance.”

Aminado ang dalawang mambabatas na mahirap ipasa ang panukala dahil marami sa kanilang kasamahan ay mula rin sa mga political clan. “Kahit ako, ‘di ba? I mean, I belong to a political family as well,” pahayag ni Aquino. Dagdag ni Lapid, “We already know there will be strong opposition. I’m not sure if it will pass—but I’m hoping it does.”

Ipinaliwanag ni Aquino na ang pagbabawal sa political dynasties ay matagal nang probisyon ng Saligang Batas ng 1987 ngunit hindi pa rin naisasabatas. “Ang panahon po ‘nyan 1987 dahil ‘yan ‘yung nasa constitution natin… For the past thirty-eight years, hindi iyan naaksiyunan ng Senado at Kongreso,” aniya.

Giit ni Lapid, ang pamumuno ay hindi dapat minamana. “I have children and grandchildren who could enter politics, but the law is the law. Whatever it requires, we follow,” wika niya.

Ang panukalang inihain ni Aquino ay nagbabawal sa mga magkakamag-anak hanggang ikatlong antas ng pagkakamag-anak — kabilang ang magulang, anak, kapatid, lolo’t lola, tiyuhin, tiyahin, at pamangkin — na sabay-sabay o sunud-sunod na humawak ng puwesto sa gobyerno. Para kay Lapid, ito ang paraan para bigyan ng puwang ang mga kabataang may kakayahan ngunit walang makinarya o kilalang apelyido.

Naniniwala ang dalawang senador na ito na ang tamang panahon para sa reporma, sa gitna ng galit ng publiko sa katiwalian at pamumulitika. “May mga batas kasi na the time has come… dahil ganito ‘yung tawag ng panahon, may chance iyang mapasa,” wika ni Aquino.

Dagdag ni Lapid, ang pagpasa ng batas ay magpapanumbalik ng tiwala sa gobyerno. “We should empower the next generation to lead, not just pass on positions from one name to another,” aniya.