Calendar
Aquino naghain ng panukalang ahensya para sa Filipino artists sa ibang bansa
NAGHAIN si Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV ng panukalang batas na lilikha ng ahensyang tutulong sa mga Filipino artists at creative workers sa visa, biyahe at trabaho sa ibang bansa.
Binuo raw niya ito kasama ang P-pop group na SB19 at ang talent management company nitong 1Z Entertainment.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2517 o Philippine Agency for the Creative Economy (PACE) Act, bubuo ng pambansang balangkas para sa international mobility ng Filipino creative workers. Layon din nitong magbukas ng mas maraming oportunidad sa ibang bansa at palawakin ang merkado ng Philippine creative goods and services.
Tutulong ang PACE sa visa, biyahe, logistics at paglahok sa mga international festival, tour, showcase at market. Sakop din nito ang international promotion, business matching, partnership at distribution. Palalakasin naman ang Creative Industries Development Fund.
Ayon kay Aquino, sa pulong noong Mayo 26, inilahad ng SB19 members na sina Pablo at Josh ang mga problema ng mga artist na nagtatrabaho sa ibang bansa. Kabilang dito ang visa processing, travel documents at kawalan ng nakalaang tulong ng gobyerno. Napag-usapan din nila ang posibleng ahensyang katulad ng Korean Creative Content Agency (KOCCA), na tumutulong sa mga Korean artist na makapasok sa pandaigdigang merkado.
“Kasama ko si Pablo at si Josh. Tapos nag-present sila ng mga issues and mga problems of artists who go abroad. If you’re an artist, tapos lilipad ka, you’re on your own,” ani Aquino, chair ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship.
“Nakipag-meeting po kami kay Senator Bam, at doon po nag-propose kami ng bill. Nag-propose po kami na ito po ay para sa mga creative workers, or actually for the whole creative industry,” sabi ni Josh.
Sinabi ito ni Aquino sa Facebook Live kasama ang SB19, matapos tanggapin ng grupo sa Senado ang kopya ng resolusyong kumikilala sa kanilang pagtatanghal sa Lollapalooza sa Chicago.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, 7.6 porsiyento ng gross domestic product noong 2025 ang ambag ng creative economy. Umabot sa 8.71 milyon ang manggagawa sa creative industries, o 17.8 porsiyento ng kabuuang employment.
Noong Hulyo 28, 2022, nag-lapse bilang batas nang walang lagda ng Pangulo ang Republic Act 11904 o Philippine Creative Industries Development Act. Binuo nito ang Philippine Creative Industries Development Council para sa pagpapaunlad ng sektor.
Dadaan pa ang panukala sa unang pagbasa at ire-refer sa komite para sa mga pagdinig. Kapag inaprubahan ito ng komite, pagdedebatehan at aamyendahan ito sa ikalawang pagbasa, saka pagbobotohan sa ikatlong pagbasa.
Kailangan ding ipasa ng Kamara ang sarili nitong bersyon. Kung magkaiba ang bersyon ng dalawang kapulungan, pagkakasunduin ito ng bicameral conference committee at kailangang ratipikahan ng Senado at Kamara.
May 30 araw ang Pangulo mula nang matanggap ang panukala para lagdaan o i-veto ito. Kung hindi siya kumilos sa loob ng panahong iyon, magiging batas ito kahit walang lagda.

